Anomalya sa kapitolyo ng lalawigan ng Bulacan

HINDI dapat na umiral ang takot sa habang panahon. Hindi dapat na dilat ang mata, wala namang nakikita.

Ang kailangan ay makabuluhan at seryosong pakikialam at pakikisangkot sa kalakaran ng gobyerno.

Ang pambansang liderato ay lubhang abala sa imbestigasyon sa iba’t ibang uri
ng katiwalian.

Dapat na itong matapos. Hindi pwede ang puro publisidad. Ipagharap ng kaukulang kaso sa hukuman ang lahat ng akusado at nang mabilis na uminog ang hustisya at parusahan ang mga nagkasala. Hindi pwede na puro na lang imbestigasyon na walang final resolution.

Hinagupit ng bagyong si Pedring ang lalawigan ng Bulacan – malaki ang naging pinsala sa bayan ng San Miguel.

Sa lakas ng hangin, humalik sa lupa ang mga punongkahoy, sa taas ng tubig-baha, nasira ang mga tanim na palay at mga gulayan, inanod ng baha ang mga alagang hayop at sa barangay Sakdalan ay marami ang namatay.

Ano ba ang ginawa ng provincial government at mga lokal na opisyal? Namahagi raw ng mga relief-good – isang kilong bigas at sardinas na pinag-aagawan ng mga gutom na sikmura.

Ang kailangan ng Bulakenyo ay permanenteng trabaho at maliit na negosyo na pagkakakitaan. Ito ay kayang gawin ng provincial government kung kanilang gugustuhin.

Ang mahirap, gusto lamang nila ang magpayaman sa poder ng kapangyarihan at hindi alintana ang sigaw ng bayan tungo sa makabuluhang mga pagbabago.

Ang annual budget ng provincial government ng Bulacan ay umaabot sa 2.7 billion pesos.

Malaking halaga at kung gagamitin nang wasto at maayos ay makatutugon sa mahigpit na pangangai-langan ng mga Bulakenyo sa iba’t ibang larangan ng kabuhayan.

Ang tuwid na daan na ipinagmamalaki ni PNoy ay hindi nangyayari sa Bulacan. Binagyo na nga at nasira ang daan at mga lansangan, baluktot pa rin ang pamamahala ng mga tiwaling opisyal sa kapitolyo. (ITUTULOY)

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply