ARMM ginawang gatasan ng Ampatuans – Drilon

SA KABILA nang bilyong pondong inilaan ng pambansang pamahalaan, nananatiling may pinakamataas na insidente ng kahirapan ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) dahil ginawa lamang itong gatasan ng nahalal na lider tulad ng pamilya Ampatuan.

Ganito ang pagsusuring ginawa ni Sen. Franklin Drilon matapos matuklasan na umabot na pala sa mahigit P123.6 bilyon ang inilaan sa ARMM sa nakalipas ng 12 taon na pinagharian ng pamilya ni dating Gov. Zaldy Ampatuan.

“Ano ang masasabi natin sa ganitong napakalaking halaga ng pondo na naibigay sa kanila? Pero hanggang ngayon nananatiling pinakamahirap na rehiyon ang ARMM at may pinakamataas na insidente ng kahirapan,” ayon kay Drilon.

Konklusiyon ni Drilon, nabigo ang Saligang Batas sa pagbibigay ng awtonomiya sa ARMM bilang isang rehiyon at paglilipat ng kapangyarihan.

“Kung titignan natin ngayon ang ARMM nananatili itong mahirap sa kabila ng dambuhalang pondong inilaan ng gobyerno sa rehiyon,” ayon pa kay Drilon.

Ikinatuwiran pa ni Drilon na hindi naihalal ng mamamayan sa ARMM ang tunay na lider na maghahatid ng reporma sa rehiyon na kinunsinti pa ng nakaraang administrasyon kaya’t kagustuhan ni Pangulong Benigno Aquino III na isuspinde ang halalan dito.

“That is why President Aquino’s administration has sought reforms. The reforms are two-pronged: number 1, the synchronization of election in 2013 which hopefully will result in a better election of leaders and number 2, in the mean time, in order that the reforms can be put in place that OICs can be appointed who will have the capacity to institute the reforms,” ayon kay Drilon

Nitong Lunes (Setyembre 26), inihain ng pamunuan ngayon ng ARMM ang badyet ng rehiyon sa susunod na taon na aabot sa P12.4 bilyon na galing lamang sa General Appropriations Act of 2012.

Hiwalay pa rito angP11.4 bilyon na inilaan ng Department of Public Works (DPWH) para sa public works project, at P14.2 bilyon naman mula sa Internal Revenue Allotment at P560 mllyon na Priority Development Assistance Fund (PDAF) o mas kilala bilang pork barrel.

Sa naturang pagdinig din, natuklasan ni Drilon na bilyong piso ang ninakaw ng pamilya Ampatuan sa ARMM na tila wala nang kinabukasan kung maglustay ng salapi ng bayan tulad ng pagkuha ng salaping P98 milyon sa loob ng isang araw.

“Kung lumustay sila (Ampatuan) ng salapi ng ARMM, tila na wala nang kinabukasan pang darating. Bilyong piso ang nawawala at bilyon din ang cash advances na hanggang ngayon hindi natutunton ng Commission on Audit,” giit ni Drilon. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply