Astig na jaguar

MAY respeto ang PAKUROT sa mga guwardiya hindi lang dahil marami sa mga ito ang tumatangkilik sa REMATE subalit dahil kapwa natin sila tao. Walang dahilan upang tratuhin ang mga ito ng hindi kaaya-aya.

Marami sa mga text message na natatanggap ng inyong lingkod ay mula sa mga tauhan ng mga security agency na hindi sumusunod sa tamang alituntunin sa pagpapasahod at pagtrato sa mga guwardiya na halos nadedelikado ang kalusugan at sarili para lang kumita ng pera upang ipambuhay sa kanilang pamilya.

Subalit nitong Huwebes, hindi makalilimutan ng inyong lingkod ang salitang binitiwan ng guwardiya ng California Village sa Quezon City. Hindi ito ang unang pambabara ng guwardiya sa PAKUROT kapag dumaraan sa “SB Road” lulan ng taxi.

May dalawang linggo na ang nakararaan, lulan ako ng taxi pauwi sa Caloocan City at talagang SB Road ang daan ng sasakyan upang makaiwas sa traffic sa Novaliches.

Pagdaan sa tapat ng guwardiya ng California Village na nakilalang Montaus dahil sa namecloth ng uniporme niya, nakiusap ako na baka puwedeng huwag nang singilan ang driver ng taxi tutal nakalagay naman sa ticket na nagsisilbing resibo na donasyon lang iyon na may presyong P10. Hindi pumayag ang guwardiya. Panuntunan na raw iyon ng subdivision kaya’t pinabayaran ko na rin.

Noong Huwebes nga, muli akong napadaan sa nasabing subdivision at pinara muli ng nasabing guwardiya ang aking kinalululanang taxi.

Nagpakita ako ng identification card (ID) at sinabi ko “Boss, puwedeng huwag mo na akong singilan?

“Idaragdag ko na lang sa bayad sa driver iyong ibabayad ko rito.”

Okay lang sana kung hindi siya pumayag at nagsalita na lang ng mahinahon.

Sinabihan ako ng loko-lokong guwardiya na para hindi raw niya ako singilan ay kumuha raw ako ng sulat kay Mayor Herbert Bautista.

Nag-isip ako kung bakit kay Bistek.

Sa asar ko tuloy, pinatulan ko na ang pang-aasar ng bantay at sinabihan ko siya na, “Bakit si Herbert, eh si Congressman Sonny Belmonte ang nagpagawa nito?” Sinagot din ako ng pabalang ng guwardiya at sinabihang, “Eh di kumuha ka kahit kay Belmonte ng sulat para libre ang taxi mo!”

Kinalma ko na lang ang sarili ko at binayaran ang toll para walang talo at saka umalis. Pero nakita ko na walang tatak ng security agency ang kolokoy na guwardiya, ibig sabihin ba nito “colorum” siya?

Isa pa, maganda sanang mabigyang linaw ng pamahalaang lungsod ng Quezon kung bakit  pati ang taxi ay sinisingilan sa paggamit ng SB Road.

Okay lang sana ang mga commercial na sasakyan tulad ng mga malalaking pan-deliver na trak na talaga namang nakasisira ng kalye. Pero ang taxi, kawawa ang pasahero dahil binabalikat ng mga ito ang bayad na sinisingil ng mga guwardiya ng subdivision na kaya pinabuksan ni Belmonte ay para makagaan sa pang-araw-araw na pagbiyahe ng mamamayan. At sana, sitahin at turuan ng magandang asal ng pamunuan ng California Village ang guwardiyang nasabi dahil may ilang guwardiya rin namang nakatalaga sa puwesto nitong si Montaus na hindi naman bastos.

Nais po ninyong ibahagi ang karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya at pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari po kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi _lean11@yahoo.com

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply