Ateneo pasok sa Finals

NILIPAD ng defending three-time champion Ateneo Blue Eagles ang unang upuan sa Finals matapos sibakin ang University of Santo Tomas Growling Tigers, 69-66 sa semifinals ng 74th season UAAP men’s senior basketball tournament na ginanap sa The Big Dome ngayong hapon.

Nahirapan muna ang Blue Eagles bago makuha ang ticket sa Finals ng makipagsabayan ng bilis ang Tigers mula sa umpisa hanggang sa matapos ang laro.

Tabla ang score sa pagtatapos ng first canto, (18-18) subalit iniwan ng Eagles ang Tigers ng magsimula ng gumanda ang depensa ng una sa dalawang quarters, (2nd at 3rd qrts.)

Nalimitahan ng Eagles ang opensa ni Tigers center Karim Abdul na tumikada lamang ng dalawang puntos sa 3rd period.

Angat ng 12 puntos ang Ateneo papasok ng fourth quarter, (52-40) subalit naibaba ito ng UST sa lima, (54-49) matapos manakmal ng 7-2 run may 7:20 minuto na lang ang nalalabi sa huling quarter.

Muling nailayo ng Eagles ang lamang ng isalpak ni Greg Slaugther ang isang dunk shot para sa 63-53 bentahe may 4:10 pa ang nalalabi sa oras.

Hindi naman nawalan ng pag-asa ang Tigers at nakipagsabayan ito ng bilis kaya natapyasan sa isang puntos ang agwat ng Eagles ng ipasok ni Jeric Teng ang three-pointer mula sa pasa ng kanyang katokayong si Fortuna, (66-67) limang segundo na lamang ang natitira sa orasan.

Si Slaughter ang umarangkada sa opensa ng Eagles na may 17 points, walong rebounds at tatlong blocks habang si Keifer Ravena ay nagdagdag ng 13 pts. at tig dalawang rebounds at assists.

Nagtala ng double-double si Abdul, (16 puntos, 16 boards at tig-dalawang blocks at steals, sinegundahan naman ito ni Chris Camus na nagsalpak ng 13 pts., walong boards kasama ang three-of-four sa three point shot.

Samantala, habang sinusulat ang istoryang ito ay kasalukuyang naglalaban ang Adamson U Falcons at last year’s runner up Far Eastern University Tamaraws kung saan mananalo dito ay makakaharap ng Ateneo sa Finals.

Tangan ng Falcons ang twice-to-beat advantage matapos upuan ang second spot sa elimination round.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply