Badyet ng SUCs hindi natapyasan – Palasyo

HINDI tinapyasan ng gobyerno ang pondong ng state universities and colleges (SUCs) para sa 2012.

Sa katunayan, ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte ay nadagdagan pa ng 10.1 porsiyento ang pondo para sa 2012 ng SUCs.

Kaya, aniya, walang dahilan upang magsagawa ng kilos-protesta ang mga mag-aaral ng kolehiyo.

“Ang ini-explain po natin sa kanila, na nag-increase po ang budget ng state universities and colleges by 10.1 percent,” ani Valte. “Mula po yan sa P23.7 billion noong 2011, naiakyat po siya sa P26.1 billion sa 2012.”

Sinabi ng opisyal ng Malakanyang na ito ay may kumpirmasyon ni Budget Secretary Florencio “Butch” Abad.

Pinabulaanan din ni Valte na binabale-wala ng  gobyerno ang edukasyon.

Tinukoy nito na sa proposed national budget para sa 2012 ay ang edukasyon ang isa sa may pinakamalaking pondo.

Napag-alaman na sa pangatlong araw ng protesta ng mga estudyante laban sa umano’y mababang pondo sa edukasyon, naging sentro ng aktibidad ng mahigit 3,000 mga kabataan ang “planking” at “tsunami walks” sa lungsod ng Maynila.

Mula sa iba’t ibang SUC sa Metro Manila, nagtipon-tipon ang mga estudyante sa Mendiola para ipanawagan kay Pangulong Benigno Aquino III na bigyang pansin ang kanilang kahilingan na taasan ang pondo sa sektor ng edukasyon.

Sa ulat, kabilang sa mga nakiisa sa isang linggong protesta ay ang University of the Philippines-Diliman, UP-Manila, Polytechnic University of the Philippines (PUP), Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) at Philippine Normal University (PNU).

Ito ay habang nagsagawa ng simultaneous walkouts at mass planking ang mga kabataan sa 11 SUC sa Central Luzon.

Base sa National Expenditure Program, mula sa P45 bilyon na pondong hinihingi ng 110 SUC para sa susunod na taon, binabaan ito ng Malakanyang sa P21.8 bilyon.

Ang naturang pondo ay mas mababa umano sa P22.03 billion budget ngayong taon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply