Badyet

ABALA ang Kongreso ngayon sa pagtalakay sa badyet ng bansa para sa susunod na taong 2012.

Ang hiling ni Pangulong Noynoy Aquino kay House Speaker Sonny Belmonte ay matapos at maipasa ang badyet bago mag-break ang Kongreso sa Pasko.

Nag-commit naman si Speaker Belmonte na kukunin nya ang suporta ng mga mambabatas para makaabot ang badyet sa deadline ng Pangulo.

Dito natin masisilip kung gaano kahalaga ang tungkulin ni Speaker Belmonte bilang pinuno ng House of Representatives.

Ang badyet ay daraan sa masusing pagsusuri ng 285 na Congressmen at Congresswomen.

Bawat isa ay may tanong, may magiging reklamo, may magiging isyu.

Bawat isa ay may kanya-kanyang pananaw, may kanya-kanyang gusto base sa pangangailangan ng kanya-kanyang distrito at nasasakupan.

Lahat ay dapat masagot at matugunan bago makalusot at pumasa ang badyet. Napakaraming hamon ang hinaharap ng bansa ngayon.

Ang problema sa sakit na dengue, dapat na nakapasok sa badyet ng Health.

Ang isyu ng job mismatch, dapat may badyet sa DepEd o sa CHED o kaya sa State Universities and Colleges.

Buti na lang, may pinakamataas na badyet para sa 2012 ang edukasyon, nasa mandato ng Saligang Batas na lagi ay mas mataas ang nakalaang badget para sa edukasyon.

Sa pangako ni PNoy na ang badyet ay sasagot sa mga hiling at hinaing ng mamamayan, sana ay mabigyang solusyon ng badyet sa edukasyon ang litanya ng ating mga problema sa sektor na ito.

Ang prayoridad ng administrasyon ni Aquino sa mga ahensya na may pinakamalaking badyet para sa 2012 – Una ang edukasyon, pangalawa ang DPWH, sunod ang Defense, pang-apat ang Interior and Local Government, kung saan sakop ang patong-patong na problema ng ating kapulisan. Panglima ang Department of Agriculture na nakatoka sa pag-aayos ng pangangailangan ng pagkain ng bansa.

Ang laki ng problema ng DA lalo sa sunod-sunod na bagyo na sumira sa ating mga pananim, eh, tapos may pangarap pa tayo na hindi na mag-angkat ng bigas mula taong 2013.

Sana ay sapat ang badyet na maa-approve para sa mga ahen-sya ng gobyerno at magamit naman ito ng tama at tapat para maiayos na ang bansa.

Mag-text po kayo sa akin sa 09209280847 o mag-email sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon tungkol sa isyung ito.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply