Bagong PhilHealth ID inilunsad

INILUNSAD na ng PhilHealth ang bagong identification card na magagamit ng mga miyembro sa mga participating merchants sa buong bansa.

Inilabas ang bagong identification card upang mahikayat ang mga may kakayahang magbayad ng kontribusyon na magpatala na sa National Health Insurance Program (NHIP).

Ayon kay PhilHealth President at CEO Dr. Rey B. Aquino, malaki ang bahagi ng PhilHealth sa kaganapan ng Universal Health Care kaya kailangang lubusin ang mga posibilidad na maisali sa NHIP ang lahat ng Filipino.

Sa pamamagitan ng Public-Private Partnership (PPP), kumuha ang PhilHealth ng mga kapartner mula sa pribadong sector upang mabigyan ng dagdag na halaga ang ID card na magagamit ng miyembro kahit hindi ma-ospital. Ang mga cardholders ay makakukuha ng diskwento kapag bibili ng branded o hindi branded, generic na gamot, vitamins at medical equipment at devices, kasama ang mga health services tulad ng eye exams, drug testing at vaccination sa mga kasaling merchant stores at sangay sa buong bansa.

Maaring makakuha ng card sa may 307 sangay ng SM at 1,067 Bayad Center sa buong bansa. Sa pagkuha ng nasabing card, may babayarang minimal fee para sa registration services na sakop nito ang halaga ng card at isang quarter na kontribusyon ng miyembro para sa PhilHealth.

Ang mga dati nang PhilHealth members ay maari ring makakuha ng bagong ID card na nakalagay na dito ang kanilang permanent PhilHealth Identification Number (PIN).

Ang nasabing card ay may magnetic strip upang maberipika ng merchant kung may kaukulang premium na kontribusyon sa PhilHealth ang miyembro bago mabigyan ng discount at anumang prebilehiyo.

Ang SM at Bayad Center ay nakahandang tumanggap ng aplikasyon para sa mga bagong magpapamiyembro gayundin ang ilang member updating services sa mga naturang petsa: mula Setyembre 12 sa NCR; mula Setyembre 19 sa Luzon; mula Setyembre 26 sa Visayas; at mula Oktubre 3 sa Mindanao. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply