Baguio, Benguet nasa state of calamity

IDINEKLARA na sa state of calamity ang Baguio city at probinsya ng Benguet dahil sa pinsalang dulot ng sunud-sunod na landslide sa dalawang lugar.

Ayon kay Baguio City Vice Mayor Daniel Fariñas, ang naturang hakbang ay upang magamit ang pondo ng lungsod upang solusyunan ang problema sa gumuhong dumpsite sa Baranggay Irisan.

Kasabay nito, sisimulan nang magpulong ng konseho ng Baguio City upang mailarga ang imbestigasyon at matukoy kung sino ang dapat managot sa naturang trahedya.

Una nang idineklara ang state of calamity sa Benguet dahil rin sa sunud-sunod na landslide sa mga pangunahing mga kalsada.

Samantala, bigo naman ang search and retrieval team na makita ang isang matanda na nawawala dahil sa pagguho ng gabundok na basura sa Irisan dumpsite.Nawawala rin ang tatlong bata na magkakapatid na namatay.

Magdamagan pa rin ang clearing operations sa naturang dumpsite habang pinagdedebatehan ang gagawin sa lugar kasunod ng panukala ng ilang sektor na magsagawa ng imbestigasyon ang kaukulang ahensiya ng pamahalaan.

Samantala, mariing pinasaringan ni Benguet Gov. Nestor Fongwan ang regional director ng DPWH-CAR na si Engr. Edilberto Carabbacan hinggil sa ‘di maayos-ayos na bahagi ng Halsema highway sa Km. 19 sa Ambassador, Tublay, Benguet.

Sinabi ng gobernador na dahil sa hindi pagtupad ng DPWH sa kanilang commitments para sa mga apektadong residente sa nasabing lugar ay tila nawalan ng gana ang mga residente na makipag-usap sa panlalawigang pamahalaan at DPWH.

Idinagdag pa ni Fongwan, pagdating sa kalamidad ay madaling mangako ang DPWH pero napapako naman ito dahil hindi sila nagbabayad ng road-right-of-way.

Kinatwiran naman ni Dir. Carabbacan, wala talaga silang sapat na pondo na pambayad sa transfer fee ng dalawang puntod na nasa tuktok ng bundok kung saan dito idadaan ang kalsada matapos bumagsak sa kasagsagan ng bagyong Mina.

Giit pa ni Carabbacan, ipinarating na niya ang suliraning ito sa tanggapan ni DPWH Secretary Rogelio Singson para sa kaukulang solusyon.

Ang nasabing bahagi ng Halsema highway ay una nang nasira noon pang typhoon Pepeng at nitong nagdaang bagyong Mina kung saan bumagsak na naman ang bahagi nito na nagresulta sa pagkahulog ng dalawang sasakyan.

Humihingi ng danyos na P100,000 bawat puntod ang mga pamilya ng nasabing yumaong indibidwal. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply