Bakit magbabasura ang gumawa ng sea wall?

BAGO nanalasa ang bagyong Pedring nitong nagdaang mga araw, yung magbalik-tanaw sa bagyong Ondoy ang ating ginawa.

Sino ba naman kasi ang makalilimot sa parang pagbabalik ni Noah sa mundo?

Ala-baha nga ni Noe ang naganap noong Setyembre 26-27, 2009 nang palubugin ng bagyong Ondoy ang halos lahat ng Kamaynilaan at maraming lalawigan sa Luzon.

Naging malupit si Ondoy lalo’t nagkaroon ito ng kakambal na si Pepeng sa paghagupit sa buong Luzon sa halos tatlong linggo.

SI GLORIA ANG INGINUSO

Yung mga walang magawa kundi manisi ay inginuso si Gloria sa pagdating ni Ondoy con Pepeng.

Parusa ng Diyos sa mga corrupt noong panahon ni Gloria ang pagdating nina Ondoy at Pepeng, sabi nila.

Anak ng tokwa, eh, bakit hindi sina Gloria at mga kakosa nito ang nalunod kundi ang mga ordinaryo at inosenteng mamamayan?

Nasa walong daan ang nalunod at nabaon sa putik ng mga landslide noon at nasa P200 bilyon ang nasirang ari-arian. Pero walang nalunod at nabaon nang buhay sa putik na taga-Malakanyang, taga-Kongreso at taga-Korte Suprema noon.

Ordinaryo at inosenteng mamamayan din ang nasiraan ng mga pundar na bahay, sasakyan at iba pang ari-arian.

MENSAHE NI PEDRING

Mahina-hina si bagyong Pedring kung ikukumpara kay Ondoy.

Pero higit na nakatatakot ang ipinakita nitong mensahe  na dapat tingnan lalo na ng pamahalaan: ang pagpasok ng tubig sa Metro Manila at ilang lugar mula sa Manila Bay at West Philippine Sea.

Nakita naman natin ito kamakalawa nang daluhungin  ng tubig ang mga baybaying dagat mula sa Malabon-Navotas area hanggang Cavite.

TSUNAMI NAKAAMBA

Tsunami mula sa mga karagatan, mga Bro, ang nakatatakot na posibleng mangyari sa Metro Manila at iba pang panig ng mahal kong Pinas.

Kung iisipin, hindi imposibleng mangyari ito dahil nga sa isla-isla ang ating bansa at higit na malaki sa ating kalupaan ang nakaharap sa mga karagatan.

Pero ang tsunami na nakaamba sa Metro Manila ay kakaiba.Kakaiba dahil nasa 15 milyon ang naninirahan dito at dito matatagpuan ang pusod, puso at ulo ng bansa.

Kung masisira ang Metro Manila sa tsunami, parang ang buong bansa na rin ang nasira.

BAHA NI NOAH AT TSUNAMI

Heto pa ang higit na nakatatakot, mga Bro. Hindi imposibleng maganap ang baha ni Noah o baha ni Ondoy at tsunami ni Pedring nang magkasabay.

Wala pa tayong nagagawa upang pigilin ang mala-Ondoy o Noah na baha na galing sa mga kabundukan at basura. Pero higit na wala pa tayong nagagawa laban sa posibleng tsunami na galing sa karagatan.

SI PNOY ANG INGUNGUSO

Sakaling mangyari ang kambal na sumpa ng mala-Ondoy na baha at tsunami sa Metro Manila, maaaring magdadadakdak na naman ang mga walang magawa at ingunguso ng mga ito sina PNoy na siyang may sala.

Kung ano ang pinaggagawa nina PNoy na maaaring ikonekta sa mga kalamidad ay hindi pa malinaw.

TSUNAMI NI ATIENZA

Ngayon ay i-concentrate natin ang usapan sa sea wall na nasira sa bagyong Pedring.

Yun bang === nasa Roxas Boulevard.

Mismong si ex-Manila Mayor Lito Atienza ang nagsabing nagisnan na niya ang seawall sa lugar.

Pero masyadong mataas.

Hindi makita ng mga namamasyal sa Luneta dahil seawall ang nakaharang kaya hindi makita ang ganda ng takip-silim, sabi niya.

Mayroon umanong orig na taas ng seawall. Pero pinatungan ito ng pamahalaan, ng Department of Public Works ang Highways.

Tama ba ang intindi ng ULTIMATUM, Mayor Tolits, sa paliwanag ninyo?

Para maibalik ang beauty ng dapit-hapon sa mata ng mga namamasyal, pinabalik umano ni Tolits ang sea wall.

Kaya nang bumira si Pedring, hayun pinasok na ng maliit na tsunami ang Roxas Boulevard at umabot ito sa Taft Avenue.

TOTOY BASURA ANG GUMAWA

Bulong ng ating uzi, isang magbabasura umano ang kumontrata sa paggawa o pag-repair ng seawall.

Yung bang si Totoy na may hawak ng Leonel na kontratista sa basura ng lungsod ng Maynila. Bakit naging instant contractor ang magbabasurang ito at ito pang delikadong istruktura ang pinagawa sa kanya?

Kaya hayun, pagdating ng mini-tsunami ni Pedring, pinaghahampas ng basura ang seawall na gawa ng magbabasura, nagiba ito at magkasabay na pumasok sa Maynila ang basura at baha.

TOLITS, TOTOY GISAHIN

Kung totoo na ipinahawak kay Totoy Basura ang paggawa o pag-repair ng Manila Bay seawall na natagpuang marupok, dapat lang na magkaroon ng imbestigasyon dito.

Hindi pupuwedeng basta tanggapin na lamang ang kasiraan na gawa ng Diyos.

P30M ANG PAGPAPAGAWA

Tinatayang aabot sa P30 milyon ang halaga ng pagpapa-repair ng nasirang
seawall.

Hindi kaya ganito rin ang halaga ng kontrata nina Atienza at Totoy Basura?

May malaking pinag-usapan sa kontrata na sa kalaunan ay nawasak dahil kaduda-duda nga ang kumontrata rito na kaduda-duda ring inaprubahan ni Mayor Tolits.

Imbestigasyon ang maglilinaw sa karupukan ng istruktura at dapat na panagutin ang mga may kagagawan nito.

ooo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply