Bangkay ng OFW sa Kuwait, dumating na

HALOS himatayin ang kapatid ng Overseas Filipino Worker (OFW) na hinihinalang inihulog sa ika-walong palapag ng isang hotel sa Kuwait nang dumating ang bangkay nito sa Maynila kaninang hapon.

Sa tulong ni Sen. Manny Villar, naiuwi ang bangkay ni Juvy Montesoso, isang receptionist sa TalaTower Hotel sa Kuwait na natagpuang patay noong Agosto 5 matapos mahulog sa ika-8 palapag ng gusali.

Iniulat ng Kuwait police na walang foul play na nangyari ngunit hindi naniniwala ang kanyang pamilya at kaibigan na nagtatrabaho sa Kuwait na magpapakamatay ito.

Nakilala naman ang kanyang kinakasama na si Thomas Mellikei, Amerikanong sundalo na nakatalaga sa Kuwait.

Dumating ang bangkay ni Montesoso sakay ng Qatar Air Cargo QR646 dakong alas kuwatro medya ng hapon kanina. Kasamang tumanggap sa bangkay ni Montesoso ang kapatid at bayaw nitong sina  Rochelle at Raul Constantino, kapatid at bayaw ng biktima at si Villar na personal na nagtungo sa  MIASCOR cargo center upang tanggapin ang bangkay.

Inihayag pa ni Constantino na nakita ang biktima ng ilang kaibigan habang kasama ang boyfriend nito noong gabi bago matagpuang patay ang biktima.

Inihayag din ng pinsan nitong si Gerlie Bolo, na nagtatrabaho din sa Kuwait na natagpuan ang bangkay ni Montesoso nang walang bahid ng dugo sa anumang bahagi ng katawan.

Dahil dito, tiniyak naman ni Villar na tutulungan ang pamilya ni Montesoso partikular ang pagpapaaral sa anim na taong gulang na anak na naulila ng biktima.

Ililipad naman ang bangkay ni Montesoso sa Butuan City bukas sa pamamagitan ng Philippine Airlines Flight PR 477 dakong 10:50 a.m.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply