Biazon-Lim tandem sa BOC

SA BAWAT palit ng mga namumuno sa Bureau of Customs, ‘di maialis sa isipan ni Mang Juan na kaliskisan ang natatalagang mga opisyal.

Inaarok kung tama sa kanilang panlasa ang pumalit na kumisyoner o kaya’t iba pang personalidad na iniupo sa tungkulin.

Ngunit kadalasan, ang masarap nating panlasa sa mga natatalagang lider sa Aduana ay nauuwi sa pait kinalaunan.

Dahil, ang inakala mo sa una na matinong puno ay unti-unting nabulid sa sistemang matagal nang umiiral sa BOC.

Noong Miyerkules, inanunsyo ng Palasyo ang bagong hepe ng Aduana sa katauhan ni dating Cong. Ruffy Biazon.

‘Di lang si Biazon, kundi isinama sa anunsyo ang paglapag sa BOC ni Armed Forces of the Philippines (ret.) Gen. Danny Lim.

Tulad ng nakaraang itinalagang mga opisyal, ‘di malilibre sina Cong. Biazon at Gen. Lim sa pangangaliskis ni Mang Juan.

Inisyal na impresyon sa Biazon – Lim tandem, aba’y mag-isip-isip na ang mga matitigas at sira ulo sa BOC.

Matindi ang kuwalipikasyon ni Biazon, tulad ng kayang amang si dating senador at ngayo’y congressman, ret. Gen. Pong Biazon.

Wala tayong balitang mahilig itong tumahak sa liko-likong daan. Kumbaga, walang biglang liko – kaliwa man ito o kanan.

Kung tatayo ang balahibo ng mga ‘hangal’ diyan sa BOC kay Cong. Biazon, aba’y lalo kayong matakot kay Gen. Lim.

Kaya marahil si Lim ang itinalaga ni Pangulong Noynoy Aquino na intelligence chief  ng Aduana ay dahil ito’y katatakutan.

Kung pagbabasehan kasi ang nakaraan, ‘di basta-basta mabobola at makokorap ng mga ismagler ang retiradong militar.

Kilala si Gen. Lim sa kanyang pagiging ‘diretso.’ Kaya nga nagkaletse-letse ang career sa AFP dahil sa paglaban sa katiwalian.

Ilang beses siyang namuno sa pag-aaklas para labanan ang kalokohan at kabuktutan ng nakaraang administrasyon.

‘Di niya inalintana na kahit pa masira ang kanyang career sa militar, ‘di siya nangiming labanan noon ang mga Arroyo.

Pero ang tanong, sila kaya’y magtatagumpay?

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply