Boxing Manila Councilor Alcoreza kakasuhan na

NABALITAAN nating naghahanda na ang biktima ng pananapak na empleyado ng Philippine Tourism Authority ng mga kaso laban sa isang magaling sa sapakan na konsehal ng lungsod ng Maynila.

KASONG KRIMINAL KAY KONSEHAL

Ayon kay Luis “Louie” Mesina, cashier ng Intramuros Golf Course sa Maynila, magsasampa siya ng kasong kriminal sa piskalya sa lalong madaling panahon laban kay District 1City Councilor Dennis Alcoreza.

Physical Injuries ang ikakaso kay Alcoreza sa ginawa nitong pananapak sa kahero, na pinasok pa n’ya mismo sa loob ng cashier’s booth.

INUTIL NA PTA

Agad ipinarating ni Mesina sa Philippine Tourism Authority Legal Office ang nangyari sa kanya sa kamay ng malupit na konsehal ng Maynila.

Pero aabot na ng isang linggo ang nakalipas ngunit wala pa ring aksyon ang PTA sa kawawa nilang empleyado.

Inutil ba talaga yang pamunuan mo, Mr. Mark Lapid?

GUSTO NANG LIBRE

Dapat ay kasuhan ang abusadong konsehal na ito na ang dahilan lang pala ng pananapak ay gustong makalibre sa driving range.

P90 lang naman ang isang basket ng bola sa driving range, na kung saan 3 basket lang naman ang nagamit nitong si Alcoreza.

Sa madaling salita P270 lang naman ang babayaran n’ya pero nagalit ito dahil ang gusto nga naman daw ay libre s’ya dahil nga raw konsehal s’ya ng Maynila.

Ang kapal mo, Sir!

COMMITTEE ON ETHICS

Susunod na aksyon ni Mesina ay ang pagsasampa ng kasong administratibo laban kay Alcoreza sa Committee on Ethics ng City Council ng Maynila.

Sa komiteng yan, siyempre bibigyan si Alcoreza ng due process.

Bibigyan siya ng karapatang sumagot sa anomang complaint na isasampa ni Mesina.

Ano kaya ang susunod na ang mangyayari?

Mayroon bang kapangyarihan ang City Council na magpataw muna ng preventive suspension laban kay Alcoreza upang hindi nito magamit ang position at opisina pang-haharass sa biktima na isang hamak na empleyado lamang ng Intramuros Golf Course?

LUTONG MAKAW

Masasalang sa apoy ang City Council sa kaso ni Alcoreza.

Susubaybayan natin ang kasong ito kung magkakaroon ba ng lutong makaw.

Pero dapat na higit tayong magbigay tiwala sa nakararaming konsehal na maglalabas ng tamang desisyon sa kaso.

Hindi sana iiral ang pulitika rito na tama man o mali ay mayorya ang masusunod.

Sinasabi natin ito, mga Bro, dahil sakaling mag-prosper ang kaso, buong konseho ang magpapasya sa kahihinatnan nito.

NO ONE IS ABOVE THE LAW

Patakaran sa lungsod ng Maynila ang pagsunod sa hindi mababaling utos ni Mayor Lim na “No one is above the law!”

Dito nakatindig ang pamahalaang Maynila.

Kaya ito nananatiling matatag at nagiging maunlad na lungsod sa mahal kong Pinas.

Ang mga konsehal ay inaasahan nating hindi lumilihis sa matuwid na landas na ginagabayan ng prinsipyong ito ni Mayor Lim.

SUPORTAHAN SI MESINA

Buo ang ating suporta kay Mesina sa kasong ito.

Sana naman hindi siya lumambot sa paghahanap ng katarungan.

Ang kaso ay isang test case ng isang maliit na empleyado laban sa isang makapangyarihan at mayaman na opisyal ng pamahalaan.

Anoman ang kahihinatnan nito, inaasahan natin ang paghahari ng katarungan.

Katarungan na magpapatotoo na pantay-pantay ang lahat, walang mahirap-walang mayaman sa timbangan ng katarungan at batas.

ANG UGAT NG PROBLEMA

Noong nakaraang Setyembre 6, dakong 6:30 ng gabi, nagpunta si konsehal sa driving range.

Isang oras siyang naglaro at nakaubos siya ng tatlong basket na bola na nagkakahalaga ng kabuuang P270.

Nang matapos si Alcoreza na maglaro, natural na singilin siya sa paglalaro.

Ipinasabi ni Mesina kay Alcoreza, sa pamamagitan ng tee girl na si Che-Che na may bayad ang paglalaro.

Nang malaman ni Mesina na konsehal pala si Alcoreza, yung isang basket na lang ang pinabayaran niya.

Nagbigay naman si Konsehal ng P1,000 kay Cheche para pambayad.

Dahil walang panukli, iniutos ni Mesina sa isang kawani na papalitan ang pera ni Alcoreza.

SUMUGOD SI ALCOREZA

Habang gumagawa ng report si Mesina, sumugod si Alcoreza sa puwesto nito.

Mala-Herodes itong nagtanong ng, “Bakit manager ka rito?”

Hindi na nagawang sumagot ng pobreng si Mesina dahil kasunod ng tanong ang pagsapak sa kanya sa mukha. Sapol ang kanyang mukha at nagkabukol.

Umalis din agad ang galit na galit na konsehal.

Wala nang nagawa si Mesina kundi ang tanggapin na lang ang kanyang kapalaran sa abusadong konsehal ng Tondo, Maynila.

MALIIT LANG ANG KAYA MO

Konsehal, hindi ka naging lalake sa paningin ng ULTIMATUM dahil maliit na manggagawa lang ang nakayanan mo.

Tayo kayang dalawa ang magtuos.

Siguradong kakalbuhin kita sa “flying kick.”

Kawawa talaga ang mga mamamayan sa kamay ng abusadong opisyal na tulad n’yo.

Mga Manileño, alam n’yo na ang gagawin n’yo ha!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM, www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply