Budget deliberations naunsyami sa kawalan ng korum

DAHIL sa kawalan ng korum maagang nag-adjourn ang sesyon ng Kamara at natigil ang pagpaptuloy sa deliberasyon ng 2012 proposed national budget na P1.816 trilyon ngayon (Biyernes, Setyembre 9).

Pasado alas 11:00 kaninang umaga nang umangal si House Minority Leader Edcel Lagman sa kawalan ng korum kung kaya nagmosyon siyang mag-rollcall upang maitigil ang sesyon kung hindi sapat ang bilang ng mga mambabatas.

Matapos ang rollcall ay 73 lamang ang presente kung kaya agad na-adjourn ang deliberasyon.

Sinabi ni Lagman na kahapon pa ay nagbabala na siya na kukwestyunin niya ang korum ngayong araw kapag hindi nagsidalo ang mga kongresista.

Kaninang umaga ay nagkaroon aniya ng text brigade sa majority ngunit tila walang tumugon sa panawagang magsidalo sa deliberasyon ng budget.

“Unfair naman na kami andito tapos iyong iba ay wala. We might as well umuwi na rin sa aming kaniya-kaniyang distrito,’ giit ni Lagman.

Kasabay nito ay nagbanta rin si Lagman na patuloy na kukwestyunin ng oposisyon ang korum sa susunod na linggo upang maobliga ang mga kongresista na dumalo sa deliberasyon.

Ayon naman kay Majority Leader Neptali Gonzales matapos magkasundo ang majority at minority na ipasa na lamang ang budget ng maliliit na ahensya gaya ng Laguna Lake Development Authority ay minarapat na nilang mag-adjourn at sa susunod na linggo na lamang tatalakayin ang alokasyon ng pangunahing departamento.

Kabilang sa mga nabigong matalakay sa plenaryo ngayong umaga ang budget ng Presidential Communications Operations Office (PCOO)kung saan nagkapersonalan na sina Secretary Ricky Carandang at Zambales Rep. Mitos Magsaysay at Office of the Presidential Adviser on Peace Process (OPAPP) na pinamumunuan ni Teresita Deles na naunang nasabon sa plenaryo ni Lanao Rep. Fatima Dimaporo.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply