BURLESK KING (Pwedeng Tingin Bawal Salingin) ika-39 labas

SA takot na mahuli sila ng mga pulis, inutusan na ni Joven ang driver na pasibarin na ang taksi palayo.

Hindi sila nagkamali na ang house nila ang pakay ng mga pulis.

Kinatok nila ang saradong pintuan …

Walang sumasagot mula sa loob …

Dahil kumpleto sila ng search at arrest warrant, nag-desisyon ang mga pulis na wasakin ang pintuan.

Pumasok sila at hinalughog ang loob …

Walang tao …

Magulo ang mga gamit …

Bukas ang mga drawer at closet …

Wala na ang mga damit at mahahalagang gamit.

“Iisa lang ang ibig sabihin nito,” sabi ng isang pulis. “May nag-feed ng impormasyon sa kanila na may nagha-hanap na mga pulis kaya dali-dali silang umalis.”

“Problema ito. Saan natin sila ngayon hahanapin para mabawi ang bata na kanilang dinukot?” sabi naman ng pangalawang pulis.

Malayo na sina Joven at Hazel sa mga sandaling iyon…

Patungong Antipolo ang takbo nila. Problemado.

Wanted na sila, wala pang pera.

“Saan kaya nagpunta ang batang iyon at bigla na lang nawala?” inis na tanong ni Joven kay Hazel.

“Malay ko ay pareho lang naman tayong tulog,” yamot namang sagot ng babae.

“Hindi ka na makakabalik sa dati mong trabaho. Tiyak na may pulis na nag-aabang sa iyo roon. Kung hindi man, baka may magturo sa iyo roon para ipahuli ka sa mga pulis,” sabi pa ng lalaki.

“Paano tayo ngayon mabubuhay?” tanong ni Hazel.

“Problema ba iyon? Maraming beerhouse. ‘Di sa iba ka naman mag-apply!” sagot ni Joven.

“Ikaw, wala ka bang balak na magtrabaho. Sa akin ka na lang laging umaasa,” sumbat ng babae.

“Nagrereklamo ka?” galit na sabi ng lalaki sabay hawak sa kamay ng babae at biglang pinilipit.

Nakita ng taxi driver ang ginawa niya.

“Pare, kung hindi ko kayo nakikita, wala akong pakialam kahit ano ang gawin mo sa iyong asawa. Pero huwag dito sa loob ng taksi ko. Hindi puwede rito ang kalokohan mo,” sabi nito.

Galit na biglang napatingin si Joven sa taxi driver …

Nakita niya na malaki ang katawan nito at matipuno.

Hindi siya uubra rito.

Binitiwan niya si Hazel.

“Ituloy mo na ang pagmamaneho at huwag mo kaming pakialaman. Away mag-asawa ito,” pormal na sabi ni Joven.

“Sinabi ko naman sa iyo na wala akong pakialam sa inyo. Pero huwag dito sa loob ng taksi ko mag-away kundi’y pareho ko kayong ihahagis palabas,” masama ang tinging sagot ng taxi driver.

Hindi na umimik si Joven.

Nagpatuloy na ang kanilang biyahe.

Nakarating sila ng Antipolo.

“Malaki ang siyudad na ito. Saan ba kayo bababa rito?” tanong ng taxi driver.

Wala ring alam na pupun-tahan, pinara ni Joven ang driver.

“Diyan na lang sa tabi,” sabi niya.

Nang tumigil ang taxi sa tabing daan, binayaran ni Hazel ang driver at karaka naman itong umalis.

“Malayo na tayo sa Maynila. Hindi mag-iisip ang mga pulis na dito tayo nagpunta,” sabi ni Joven.

“Pero saan tayo titira rito?” yamot na tanong ng babae.

“Problema ba iyon? Di maghanap tayo ng mauupahang bahay!”

“Madaling maghanap pero wala tayong pambayad!”

“Nakita ko, may pera ka sa bag!” masama ang tinging sagot ni Joven.

“Tama ka! Pero oras na ibayad natin ito sa bahay, wala na tayong panggastos! Paa-no tayo kakain?” galit na ta-nong ni Hazel.

“Para may makain tayo, ‘di magpakain ka muna sa iba. Sa ganda mong iyan, marami pang lalaki ang maloloko sa iyo,” nakangising sabi ni Joven.

“Hayop ka! Kahit nagtatrabaho ako sa beerhouse, hindi ako nagbebenta ng katawan!” mura ng babae sa lalaki.

“Magbebenta ka ngayon kung ayaw mong masaktan!” banta ni Joven sabay amba ng kamao sa mukha ni Hazel. Itutuloy

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply