CCT ginagawang negosyo — Makabayan bloc

NEGOSYO ang conditional cash transfer (CCT) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ayon sa Makabayan bloc ng Kamara.

Ito ang kanilang reaksyon matapos ibalita ni Social Welfare Secretary Dinky Soliman na upang mas umabot sa malalayong lugar sa mga lalawigan ang pondo ng CCT ay gagamit na ang gobyerno ng mga conduit gaya ng Globe, Western Union at iba pang bangko.

“Hindi naman papayag ang mga ito na libre ang serbisyo. In other words magnenegosyo na naman tayo kasi kasali na ngayon sa alokasyon ang pagbabayad sa mga business establishment,” ayon kay Gabriela Rep. Luz Ilagan.

Kasabay ito ng paglalahad ng Makabayan bloc ng kanilang mahigpit na pagtutol sa pagpapatuloy ng CCT program ng DSWD na mula sa P23 bilyon na alokasyon ngayong taon ay dadagdagan ito ng P19 bilyon at magiging P39.4 bilyon na ito para sa 2012.

Ang posisyon ng grupo ay harangin ang alokasyon ng CCT at sa halip ay direkta na itong ibigay sa mga health centers at state universities and colleges (SUC) na naghihingalo ang pondo matapos itong tapyasan ng malaking halaga sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Ang Makabayan bloc ay binubuo ng mga Partylists na Gabriela, Anakpawis, Kabataan, ACT at Bayan Muna.

Sinabi ni Rep. Teddy Casiño na babantayan ng Makabayan bloc ang pagpapasa sa badyet ng DSWD at isusulong nila ang re-alignment sa alokasyon ng CCT hanggang sa makarating ito sa bicameral conference committee.

“We will assert the re-alignment to the floor once na maisalang sa deliberasyon ang badyet ng DSWD,” tiniyak pa ni Casiño.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply