Da best ang acting ni Ima Castro

NAG-GOOGLE kami tungkol sa members ng cast ng Atlantis musical production na “In The Heights” na una lang kaming naging interested dahil sa mga kilala naming taga-showbiz na nasa cast nito. Kasi nga, hindi namin kilala yung si Felix Rivera na gumanap na love interest ni K-La Rivera at yung Tex Ordoñez na gumanap na Daniela, pati na yung Bibo Reyes na gumanap na Sonny, pinsan ni Usnavy (Nyoy Volante).

Nalula kami sa credentials nung Tex, na maganda at matangkad na babae at magaling sumayaw at kumanta. Naging lead actress na pala siya nung 2003 sa Hong Kong, sa “Around The World in 80 Days.” Based siya sa Cavite noon, kung saan may community theater group siya, pumunta siya sa Hong Kong para mag-audition, bumalik agad ng Pilipinas pagka-audition, pero siya nga ang kinuhang gumanap sa lead role sa nasabing produksyon.

Nakapag-perform na rin siya sa Cultural Center of the Philippines kung saan kinanta n’ya ang Nabasag Ang Banga na identified sa National Artist na si Atang de la Rama. Beterana na pala siya, kaya pala ang galing-galing n’ya sa In The Heights, kung saan nga siya si Daniela, yung  may-ari ng isang beauty parlor na pinagmumulan ng kung anu-anong tsismis sa isang ethnic minority neighborhood na ang pangalan ay Washington Heights.

Nung nanood kami nung Linggo ng 3 p.m., ni hindi namin alam kung sino ang makakapareha ni K-La (na galing sa Star Power ng ABS-CBN at nanalo sa MYX bilang isa sa tatlong bagong videojocks, o VJ, du’n). Magaling yung guy, na ang role ay mas taxing kesa du’n kay K-La dahil mas marami siyang song and dance numbers.

Nung nag-quick browse kami ng souvenir program ay saka lang namin nalaman na si Si Felix Rivera pala yung Benny na love interest ni K-La sa kuwento. At sa pagu-Google lang namin napag-alaman na si Felix pala ang tinaguriang “Golden Boy of Philippine Musical Theater.”
Paborito siyang aktor ng Atlantis. Kasi nga, magaling siya sa lahat: kumanta, sumayaw, umarte, mag-rap. Pero hindi siguro siya sisikat sa showbiz kundi siya magkukumedyante.

Hindi kasi siya guwapo, pero hindi rin naman pangit. Pwede siyang sumunod sa mga yapak ni Eugene Domingo, na siyang pinakasikat na theater actress na napadpad sa mainstream showbiz bilang kumedyante. (But, then, hindi pa namin siya naiinterbyu ever, kaya di namin alam kung pangarap din n’yang sumikat sa mainstream showbiz na gaya ni Eugene. Mas maraming pera sa mainstream showbiz, at mas madaling yumaman! Pa-tour-tour na lang nga around the world si Uge ngayon!)

Scene stealer yung Bibo bilang Sonny. Chubby at guwapito kasi siya, kaya nung sumayaw-sayaw na siya, natuwa sa kanya ang audience. Student yata siya ng Ateneo de Manila University (ADMU) ngayon, at pangalawang play na n’ya ito sa Atlantis. Active din yata siya sa Blue Repertory ng ADMU kung saan nagdidirek si Christoffer de Venecia, yung dating child actor na anak nina Senator Jose de Venecia at Congresswoman Gina Perez-de Venecia. Marketing officer din si Toff ng isa pang theater company, ang napakahusay din na Nine Works Theatrical.

Ang isa pa ring nagulat kami sa husay ay si Ima Castro bilang Vanessa na love interest ni Usnavy (na ang pangalan ay kuha talaga sa US Navy). Alam naming galing si Ima sa Miss Saigon sa London, kung saan nakaganap na rin siya sa iba pang produksyon sa sikat na West End. Ang tibay ng boses n’ya at ang tibay din n’ya sa sayawan na naka-stiletto pa! Mas marami pa siyang dance numbers kesa kay K-La. Pang-international talaga ang husay at energy n’ya!

Mahusay si Nyoy di lang sa pagkanta, pagra-rap, pati na pagsasayaw. Actually, siya pala ang lead actor sa In The Heights. Nakadalawa o tatlong plays na si Nyoy sa Atlantis, pero ngayon lang nga namin siya napanood. Mai-in-love siguro uli sa kanya si Nina pag pinanood siya nito.

Okey din naman sina K-La at Jackielou Blanco. Ang dami ring singing and dance numbers ni K-La – at parang susunod siya sa mga yapak ni Nikki Gil na nakadalawang musicals na rin (ang una n’ya ay ang Legally Blonde at ang pangalawa ay ang Sweet Charity na napanood din namin). Sana, dumating ang araw na magawa ni K-La ang na-achieve ni Nikki sa Sweet Charity: halos lahat ng eksena kasali siya, at tambak ang dance and singing numbers n’ya.

Magaling talagang magdirek si Bobby Garcia. Buhay na buhay ang entablado ng In The Heights sa direksyon n’ya! Palabas pa ito hanggang ngayong weekend sa Carlos P. Romulo Theater sa RCBC Plaza na nasa kanto ng Ayala at Buendia avenues sa Makati. May show sila sa hapon (3 p.m.) at sa gabi (8 p.m. ). For tickets, call Atlantis Productions at 892-7078, 840-1187 or Ticketworld at 891-9999.

Galing sa Broadway ang In The Heights. Ngayon pa lang ito itino-tour sa US. Kung gusto n’yong makakita ng sample production numbers sa musical na ito, pwede n’yong hanapin sa You Tube. Sa US, isa sa mga gumanap sa papel na ginampanan ni K-La ay si Jordin Spark na nagwaging American Idol nung 2007. Maraming numbers si Jordin sa You Tube na mula sa pagganap n’ya sa In The Heights.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply