De Lima kay Abalos: ‘Depensa ihanda mo’

BINUWELTAHAN ni Justice Secretary Leila de Lima si dating Commission on Elections (Comelec) Chairman Benjamin Abalos, na una ng nagbanta na magsasampa ng kaso laban sa kalihim dahil sa pagkakanlong umano ng mga pugante.

Ayon kay De Lima, ihanda na lamang sana ni Abalos ang kanyang pagdepensa sa sarili imbes na magbanta sa Department of Justice (DOJ) at sa mga testigo.

“We assure the former [Comelec] chair that he will be given his day in court, with full recognition of his rights,” sabi ng kalihim.

Ang pahayag ni Abalos ay bunsod ng ipinagkaloob ng DOJ na 60-day provisional admission sa Witness Protection Program  (WPP) sa dalawang provincial election supervisors (PES) na nagdawit kay Abalos sa malawakang pandaraya sa 2007 senatorial elections.

Sinabi ni De Lima na hindi na nakagugulat ang reaksyon ni Abalos matapos isumbong ng mga testigo na ang pinakamataas na opisyal ng Comelec ang nasa likod umano ng dayaan noong 2007.

Magugunita na sina dating South Cotabato PES Lilian Radam at dating North Cotabato PES Yogie Martirizar ay naghain ng magkahiwalay na sworn affidavit na nagbubulgar na si Abalos ang personal na nagbigay sa kanila ng utos na tiyaking magiging 12-0 ang panalo ng mga kandidato ng dating administrasyong Arroyo sa pagka-senador.

Gayunman, itinanggi ni Abalos ang mga akusasyon at iginiit na hindi dapat paniwalaan ang testimonya ng dalawa.

Tiniyak naman ni De Lima kay Abalos na pagkakalooban ito ng due process sa sandaling ituring na pormal na reklamo ang mga affidavit nina Radam at Martirizar ng joint DOJ-Comelec preliminary investigation (PI) committee.

Ang nasabing komite ang naatasang mag-imbestiga sa naganap umanong dayaan noong 2004 presidential and 2007 mid-term polls.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply