DFA pinagpapaliwanag sa OFW na tinanggalan ng dila, mata sa Saudi

PINAGPAPALIWANAG ni Sen. Manny Villar ang Department of Foreign Affairs (DFA) tungkol sa mga nawawalang bahagi ng katawan ni Romilyn Ibanez, isang OFW na pinatay sa Saudi Arabia.

Ayon kay Villar, ang bangkay ni Ibanez ndumating sa Pinas kamakailan ay wala ng dila at mata.

Dahil dito, lalo pang nagbunga ng sakit at pait sa pamilya ng biktima ang nangyari kay Romilyn. Kwinestiyon din ni Villar kung bakit umabot ng isang taon bago naiuwi sa bansa ang mga labi ni Romilyn, bagay na dapat aniyang ipaliwanag ng husto ng mga kinauukulan.

“Para sa ikakapanatag ng loob ng pamilya ni Romilyn at sa ngalan ng hustisya, kaisa tayo ng maraming mga NGOs sa panawagan sa DFA na isapubliko ang resulta ng forensic test at police report tungkol sa kaso ng pagpatay kay Romilyn,” ayon sa pangulo ng Nacionalista Party.

Ang bangkay ng OFW ay nadiskubre noong September 2010 sa kusina ng bahay ng kanyang amo sa Al Khobar, Saudi Arabia. Batay sa medical records, namatay si Romilyn dahil sa “acid ingestion” at maraming saksak sa katawan. Isang bote ng sulfuric acid ang natagpuan malapit sa kanyang bangkay.

Noong nakaraang taon, tinalakay na ni Ambassador Antonio Villamor ang kaso ni Ibanez kay Prince Mohammad bin Fahad bin Abdulaziz al Saud, emir ng Eastern province. Siniguro ng prinsipe ang pagresolba sa kaso ni Romilyn.

Noong Pebrero, napabalitang nakatanggap ng police at forensic report ang Philippine Embassy mula sa Saudi Ministry of Foreign Affairs ngunit walang detalye na ipinalabas ukol dito.

Kaugnay nito, kwinestyon ni Villar kung paano ginugugol ang legal assistance fund ng DFA. Nais din nito na ipaliwanag ni DFA Undersecretary Esteban Conejos sa Senado kung magkano ang nagastos sa kaso ni Romilyn upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay nito.

Nais ding malaman ni Villar kung sinampaan na ng kaso ng DFA at POEA ang recruitment agencies na nagsabwatan upang makaalis si Romilyn papuntang Saudi.

“Hindi nakalagay sa kontrata ni Romilyn na siya ay magtatrabaho bilang kasambahay. Ang akala niya ay sa pribadong sektor siya maninilbihan. Karapatan ng kanyang mga naulila na malaman ang totoo at papanagutin ang mga nagkasala sa kasong ito,” giit pa ni Villar.

Sa Lunes, Setyembre 19, ay maghahain ng resolusyon si Villar upang alamin at busisin ang sistema ng repatriation at pagbibigay ng tulong sa mga naulila ng mga OFW na pinatay at namatay sa kahina-hinalang dahilan.

Ayon kay Villar, marami na ang kaso katulad ng kay Romilyn at dapat na may malinaw na patakaran ang gobyerno sa mga ganitong kaso. Ernnie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply