Dispatcher binaril habang nagkakape

HULING higop na ng mainit na kape ng isang 35-anyos na dispatcher matapos na malapitang barilin habang nagkakape at nakaupo sa kuliglig kaharap ang naglalarong  7-anyos na anak na babae nitong Sabado ng umaga, Setyembre 17, sa Tondo, Maynila.

Kinilala ni P/Sr.Insp. Joey de Ocampo,hepe ng MPD-Homicide Section ang biktima na si Zaldy Tahinan, dispatcher ng truck sa pier na sakop ng Gate 20, Area H at residente ng 245 Parola Compound, Tondo, Maynila.

Tumakas naman ang ‘di nakilalang suspek na nakasuot ng sky blue t-shirt na may kuwelyo, black pants, brown rubber slippers, mahaba at nakatirintas ang buhok, matangos ang ilong at maitim.

Nabatid kay SPO3 David Tuazon, dakong alas-7:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa Palasatak covered court sa Area H, Gate 20, Parola Compound, Tondo, Maynila.

Bago ang insidente, nakaupo ang biktima sa kuliglig habang nagkakape at kausap ang apat nitong kapitbahay at nasa harapan naman niya ang anak na naglalaro nang lapitan siya ng suspek at pagbabarilin.

Isinugod pa sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan, braso at ulo. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply