Drayber tigok sa saksak ng katrabaho

HINDI na umabot pa ng buhay sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang isang 37-anyos na truck driver matapos itong pagsasaksakin ng kanyang kasamahan sa trabaho habang nag-iinuman Miyerkules ng gabi (Agosto 31) sa Sta.Cruz, Maynila.

Kinilala ni P/Insp.Armand Macaraeg, hepe ng Manila Police District Homicide Section ang biktima na si Arturo Dasigao, may-asawa, tubong Barangaya Catalina, Jiabong, Samar at pansamantalang nanunuluyan sa Khen Trucking na matatagpuan sa 2001 Severino Reyes sa panulukan ng P. Herrera St, Sta. Cruz, Maynila.

Pinaghahanap naman ang suspek na si Narciso “Tomas” Solis, Jr., 43, may-asawa, truck driver at nanunuluyan din sa nasabing kompanya.

Sa report ni PO3 Alonzo Layugan, dakong alas-7:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng close van ng isang ten-wheeler truck na nakaparada sa harapan ng Khen Trucking.

Nauna rito ay nag-iinom dakong alas 4:30 ng hapon ang biktima kasama si Wilfredo Abamo at apat pang kasamahan sa trabaho nang dumating ang suspek at nakisalo sa inuman.

Nang malasing ay umalis umano ang suspek sa inuman at makalipas ang ilang minuto ay muli itong bumalik at may dala nang patalim.

Walang sabi-sabing inundayan ng saksak sa dibdib at ibabang bahagi ng tiyan ang biktima.

Tinangka ring saksakin ng suspek si Abamo ngunit maagap na nakatalon ang huli mula sa close van.

Matapos ang insidente ay agad na tumakas ang suspek habang isinugod sa pagamutan ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.

Dinala na sa Universal Funeral parlor ang labi ng biktima para sa autopsy at safekeeping.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply