DSWD didikdikin sa ‘hamog boys’

IPINASISILIP ng isang senador sa komite ng Senado ang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na walisin ang mga batang kalye sa buong Metro Manila at iba pang panig sa bansa.

Sa resolusyong inihain ni Sen. Manny Villar, hiniling sa Senate committee on youth, women and family relations, na alamin kung epektibo ang mga programang inilatag ng DSWD sa kanilang mga aalagaang batang kalye.

Kamakailan lamang ay inihayag ni DSWD Secretary Corazon “Dinky” Soliman na ang kanyang tanggapan sa kooperasyon ng mga lokal na pamahalaan at ibang ahensiya ng gobyerno ay maglulunsad ng programa para mabigyan ng permanenteng tirahan ang mga batang kalye at ang kanilang pamilya, pag-aralin at bigyan ng kabuhayan upang sa gayon ay hindi na sila bumalik sa kalye.

Nabatid ni Villar na ang mga lugar sa Metro Manila na uunahin ng DSWD ay ang kahabaan ng Roxas Boulevard mula Manila hanggang Pasay City; Kalayaan Road sa E. Rodriguez at Quezon Avenue sa Quezon City; Balintawak sa Caloocan City; Greenhills, San Juan; Kapasigan area sa Pasig City; Madrigal Avenue sa Muntinlupa City at ang kalsada patungo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Parañaque.

Kabilang sa inihahandang programa ni Secretary Soliman ay ang pagtatayo ng activity center para maisalang ang mga batang kalye sa character building, value formation at life skills training; ang pagtatayo ng 24-oras na center kung saan maaaring iwan ng magulang ang kanilang anak habang sila ay nagtatrabaho; ang pagkakaloob ng kabuhayan sa mga batang tinder ng sampaguita at ang pagkakaloob ng low-cost housing sa mga batang kalye at sa kanilang pamilya.

Nabatid ni Villar na minsan nang nagsagawa ng malawakang rescue operation ang DSWD noong 1998 kung saan umaabot sa 222, 417 street children ang kanilang nalambat sa 65 pangunahing siyudad sa buong kapuluan.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply