DTI nagbabala sa mga magtataas ng presyo ng paninda

NAGBABALA ngayon ang Department of Trade and Industry (DTI) laban sa mga negosyanteng mananamantala na magtaas ng presyo ng kanilang mga paninda na walang sapat na basehan partikular na ang mga nasa lugar na binayo ng bagyong Pedring.

Ayon kay Trade Undersecretary Zenaida Maglaya, mananagot ang sinumang may-ari ng mga tindahan na magtatakda ng presyo ng mga pangunahing bilihin na higit na mataas sa itinakda nilang suggested retail price (SRP).

Hiniling din ni Maglaya ang tulong ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan, pati na ang mga gobernador ng mga lalawigan na naapektuhan at nasalanta ng bagyo na maging mapagbantay upang hindi magkaroon ng pagkakataon ang mga tiwaling negosyante na magsamantala.

Ang mga opisyal aniya ng lokal na pamahalaan ang higit na may kaalaman at kakayahan na magbantay sa mga pamilihan upang tiyakin na walang mangyayaring pagtataas ng presyo o pagtatago ng pangunahing produkto.

Bukod sa posibleng pagkakakulong ay may kaukulang multa din at babawiin ang lisensiya at permiso ng kanilang pagnenegosyo ang sinumang mananamantala.

Tiniyak din ni Maglaya na mapaparusahan ang mga mag-iimbak ng mga pangunahing produkto sa panahon ng kalamidad na magreresulta sa kakapusan ng suplay. Sa oras aniyang lumaki ang pangangailangan kumpara sa suplay ay tiyak na magkakaroon ng pagkakataon ang mga mapagsamantala na itaas ang presyo ng kanilang paninda.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply