Eagles 4-peat o sasaltohin ng Tams?

ITO na ang pagkakataon ng Far Eastern University Tamaraws na gantihan ang defending three-time champion Ateneo Blue Eagles sa Finals ng 74th UAAP men’s basketball tournament na gaganapin sa makasaysayang Smart Araneta Coliseum bukas ng hapon, (Setyembre 24).

Pinaiyak ng Eagles ang Tams noong nakaraang taon sa finals kaya naman inaasahang magiging mainitan ang labanan dahil parehong may mga misyon ang dalawang koponan sa kanilang best-of-three series.

Pakay ng Ateneo na maka-apat na sunod na champion habang paghihiganti naman ang plano ng FEU.

Topnotcher sa elimination rounds ang Eagles na may 13-1 win-loss slate habang nasa pangatlong puwesto ang Tams na may 9-5 record.

Sinibak agad ng Ateneo ang No. 4 University of Santo Tomas Growling Tigers sa Final Four kung saan ay hawak ng una ang twice-to beat advantage habang tinalo ng FEU sa rubber match ang No. 2 Adamson U Falcons.

Maghaharap ang Ateneo at FEU sa ganap na ikatlo ng hapon at ang Game 2 ay sa Martes na parehong ilalaro sa Big Dome.

Ayon kay Ateneo coach Norman Black sasandalan ng FEU ang kanilang momentum dahil tinalo nila ng dalawang beses ang Adamson sa semifinals at maaaring mataas ang kanilang moral subalit naniniwala itong madedepensahan nila ang kanilang korona.

“It’s going to be a good series and if you watch them (FEU) play the last four or five games, they’re not the same team as they were the beginning of the year,” pahayag ni Black.

Sa huling laro ng FEU kung saan ay tinalo ang Adamson, 78-74 ay lumabas ang tikas ng Tams sa offensive rebounds sa krusyal na huling minuto ng laro at tibay ng pulso ni Terrence Romeo sa freethrow line sa nalalabing apat na segundo para masiguro ang minimithing rebanse sa Blue Eagles.

Tiyak na aasahan ni Black sina Greg Slaughter at Kiefer Ravena kasama pati ang mga beteranong tulad nina Nico Salva, Kirk Long at Emman Monfort para makuha ang kampeonato.

Inaasahang gagamitin ni Black sina Long, Monfort at Ravena para makontrol ang mga mainit na kamay nina RR Garcia at Romeo ng Tams.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply