Edukasyon sa Pilipinas tinitipid kaya bumabagsak

NAKAIIYAK ang kalagayan ng ating edukasyon.

Sa nakaraang mga panahon, kahit pa sa panahon ni Aling Gloria na sinasabing kabaligtaran ni PNoy, may ranggo ang mga kolehiyo at unibersidad sa top 300 na eskuwelahan sa buong mundo.

Pero ngayong nasa matuwid na daan na tayo, bakit biglang naglaho na parang bula ang ngalan ng mahal kong Pinas sa larangan ng edukasyon?

Ano ang nangyayari?

Nakalulungkot, mga Bro, ang balitang ganito.

2009: ADMU, UP, La Salle, UST.

Noong 2009, kasali sa listahan ang apat na sikat na unibersidad sa top 300 sa QS World University Rankings.

Heto: a) Ateneo de Manila University – No. 234; b) University of the Philippines – No. 262; c) De la Salle University – 401; at University of Santo Tomas – No. 501.

2010:  BAGSAK LAHAT

Heto naman ang rekord ng nasabing mga unibersidad sa nakaraang taon.

a) Ateneo de Manila University – No. 307; b) University of the Philippines – No. 314; c) De la Salle University – 451-600; at University of Santo Tomas – No. 551-600.

2011: LALONG BUMAGSAK

Lalong dumausdos ang mga ipinagmamalaki nating mga unibersidad sa taong ito.

At heto ang kanilang rekord.

a) University of the Phi-lippines – No. 332; b) Ateneo de Manila University – No. 360;  c) De la Salle University – 551-600; at University of Santo Tomas- No.
601+.

hu-hu-hu-hu!

Talaga namang nakaiiyak ang kalagayan ng ating edukasyon.

Hu-hu-hu-hu!

Mantakin ninyo, buong pagmamalaki nating iwinawagayway ang ating bandila bilang world class sa edukasyon.

Pagkatapos ay dumadausdos na pala ito. Bumabagsak nang bumabagsak.

Baka naman sa basurahan na tayo pupulutin sa huli.

Yun bang katulad ng nangyari sa basura sa Baguio City na nagiba at dumausdos mula sa bundok at tumabon sa mamamayan sa baba.

MGA KAPITBAHAY PASOK

Kung titingnan natin ang rekord ng ating mga kapitbahay, pasok sila sa mga may ranggo. May mga galing sa Japan, China, Hong Kong, Malaysia, Singapore, Indonesia at Thailand.

Itong mga unibersidad ng Indonesia, Thailand at Malaysia ay nakapasok.

Ano na ang nangyayari at nakapasok ang mga ito samantalang sinasabi ng ating mga opisyal sa Malakanyang na katumbas natin ang mga bansang ito?

Hindi ba kasinghirap at kasing-unlad lang natin sila, ayon na rin sa mga utak ZERO na opisyal natin?

ZERO ANG IPINAGMAMALAKI

Lumalabas na hindi na lang regular at light, mga Bro, ang kalagayan ng ating edukasyon kundi Zero.

Zero dahil natangay na ng kawalang kuwenta mula sa sa top 300.

Paano natin maaakit ang mga dayuhan na magtayo ng kanilang mga puhunan sa mahal kong Pinas kung pabobo nang pabobo pala ang  ating mga estudyante.

Ano pa ang silbi ng pagmamalaki ni Pangulong Noynoy na highly educated ang mga obrero sa ating bansa.

At English speaking pa na madaling makaintindi ng mga pasikot-sikot sa trabaho?

NAPATID NA KASIKATAN

Sa pamamasyal natin sa mga lalawigan at kalakhang Maynila, may mga karatula ng mga high school na nagsasabing pasok lahat ang kanilang mga graduate sa nasabing mga sikat nating unibersidad.

Kaya naman kung maningil ang mga ito sa mga estudyante at magulang ay ganun na lang kamahal.

Pilit namang isinisiksik ng maraming magulang ang kanilang mga anak na mag-enrol sa mga eskuwelahang ito para maging bahagi ng galing ng ating mga sikat na unibersidad.

Pero ngayong bumagsak ang ranggo ng ating mga unibersidad, ano pa ang ating hahabulin?

DAYUHANG MAG-AARAL

Dahil sa bagsak nating ranking, tiyak namang mag-aalinlangan na ang maraming dayuhang estudyante na pumarito sa ating mga unibersidad para mag-aral.

Libo-libo ang bilang ng mga ito, mga Bro, at bahagi na nga sila ng mga turista na pinagkakakitaan ng pamahalaan at mamamayan.

Bukod pa rito ang karangalang ating nakakamit sa pagkakaroon ng mga ito ng edukasyon sa ipinagmamalaki nating mga unibersidad.

Tingnan natin sa susunod na mga taon kung mananatili ang interes ng mga dayuhang estudyante na mag-enrol sa ating mga eskuwelahan.

MGA OFW MAPAPASAMA

Ang isa sa mga inaala-ala natin, mga Bro, ay ang overseas Filipino workers na ating ipinagmamalaki na pinagkakakitaan ng ating pamahalaan ng malaki.

Sila pa nga ang salbabida ng gobyerno sa pangangailangan nito ng dolyar sa oras ng global crisis.

Hindi kaya sila maaapektuhan sa usaping pamimili ng mga employer ng kanilang mga obrero?

EDUKASYON TINITIPID

Anak ng tokwa, itong gobyerno ni PNoy ang sinasabing maysala sa kamalasan ng ating edukasyon.

Ayaw kasi nitong gumastos para umunlad ang ating mga eskuwelahan at tinatapyas pa nga ang badyet ng mga ito.
Habang ginaganito ang edukasyon, pinalalaki naman ang pork barrel ng mga opisyal ng bayan.

Ano ba naman kayo riyan sa Palasyo at Kongreso. Walang pagbabago kundi bumabagsak tayo sa kagagawan  ninyo.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM, www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply