Estudyante sinaktan ng pulis sa loob ng school

NAGMUKHANG ampaw ang seguridad ng Paco Catholic School matapos makapasok sa loob ng paaralan ang dalawang abusadong kagawad ng Philippine National Police at mambugbog ng estudyante na nakaaway ng pinsan umano ng pulis.

Kinukwestiyon ngayon ng mga magulang ng biktima ng pambubugbog at mga miyembro ng Parents and Teachers Association ng nabanggit na paaralan kung paano nakapasok hanggang silid-aralan ng biktima ang mga mal-edukadong pulis ng PNP kahit may security protocol dapat ang paaralan .

Ang dalawang pulis na nakilalang sina PO2 Rogelio de la Torre at PO2 Daniel Manaol na nakatalaga sa Philippine National Police Communications Electronics Service ay nagtungo sa eskwelahan noong isang linggo at hinanap ang 13-anyos na si Jun-jun (‘di tunay na pangalan), isang second year high school student.

Nakauniporme umano ang dalawang pulis ayon sa mga security guards kaya’t tiwala silang pinapasok ang dalawa kahit hindi malinaw kung ano ang pakay ng mga ito sa batang si Jun-jun.

Nang marating ang silid ni Jun-jun ay hiniling ng dalawa sa guro nito na dadalhin si Junjun sa tanggapan ng prinsipal upang isumbong umano sa ginawa nitong pambu-bully sa pinsan ng pulis na kaklase ng biktima.

Pumayag naman ang guro na isama ng dalawa ang biktima kayat lumakad na ang mga ito patungo sa tanggapan ng prinsipal na si Ms. Dina Abariso habang hawak sa leeg ang biktima ng isa sa mga pulis. Ayon kay Junjun, di pa man sila nakararating sa prinsipal ay ilan beses na umano siya sinikmuraan ng isa sa mga pulis at nagbanta na kapag hindi umano tinigilan ang pambabraso sa kanilang pinsan ay babalikan umano ang biktima at sasaktan.

Dahil sa wala ang prinsipal sa kanyang opisina ay umalis na lamang ang dalawang pulis at iniwan ang biktima na saklot ng takot at nasa “state of shock” ng mga sandaling iyon.

Nang makarating ang balita sa mga magulang ni Jun-jun ang nangyari sa anak, nanlumo ang mga ito sa sinapit sa kamay ng dalawang pulis. Wala umanong magawa ang pamunuan ng Paco Catholic School sa nangyari kayat inihahanda na  ng ama ng biktima na isang propesor sa Centro Escolar University ang reklamo sa Napolcom laban sa mga sangkot na pulis. Ben Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply