FG bumiyaheng pa-Germany para magpagamot

MAKARAANG bawiin ang watchlist order laban kay dating First Gentleman Atty. Mike Arroyo ay agad na itong bumiyahe pa-Germany para umano magpagamot.

Sakay ng Cathay Pacific flight CX-902, unang tutungo sa Hong Kong ang dating unang ginoo saka didirestso ng Munich, Germany.

Inaasahang babalik sa Pilipinas si Atty. Arroyo pagkatapos ng isang linggo.

Taong 2007 nang sumailalim sa aortic aneurysm surgery ang mister ng dating Pangulo Gloria Arroyo.

Matatandaang, binawi ng Department of Justice (DoJ) ang ipinatupad na watchlist order (WLO) laban kay dating First Gentleman.

Ito’y matapos magpadala ng pormal na liham si Senate blue ribbon committee chairman Teofisto Guingona Jr. na siya ring nagrekomenda ng nasabing watchlist dahil sa pagkakadawit ni Arroyo sa pagbebenta ng second hand choppers sa Philippine National Police (PNP) para sa presyong brand new.

Ayon kay De Lima, wala ng sagabal para tanggalin ang kanilang kautusan dahil ang naturang liham lang naman talaga ang kanilang hinihintay matapos una nang magpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang Supreme Court (SC) laban sa kanilang WLO.

Nakasaad din umano sa liham ni Guingona na hindi na nila ipapatawag ang dating unang ginoo sa mga Senate inquiry bunsod ng pahayag ng doktor nito na maaaring makasama ang anumang matinding pressure sa kalusugan ni Arroyo.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply