FM ilibing sa Libingan ng mga Bayani – Marcos

NANINDIGAN si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na dapat sa Libingan ng mga Bayani ilibing ang kanyang yumaong ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. bilang pagpupugay sa kanyang pagiging dating Pangulo at pagsisilbi sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP).

Sa seleberasyon ng ika-94 anibersaryo ng kaarawan ng dating diktador, muling inihayag ni Marcos na dapat tuluyan nang mailibing sa Libigan ng mga Bayani ang kanyang ama na kasalukuyang nakahimlay sa isang refrigerated crypt sa kanilang family mausoleum sa Batac, Ilocos Sur.

“Simula nang maiuwi ang bangkay ng aking ama sa Pilipinas mula sa Hawaii, wala ang ibang ninais ang aming pamilya kundi mailibing siya sa Libingan ng mga Bayani,” ayon kay Marcos.

Idinepensa pa ni Marcos ang kanyang ama sa pagsasabing bukod sa matagal na naging Pangulo ito, naging magiting din na sundalo ang nakatatandang Marcos sa ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Umaasa ang batang Marcos na sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III mabibigyan ng katuparan ang matagal nang ninanais ng kanyang pamilya upang tuldukan ang isyu sa Marcos burial na palaging inuungkat sa tuwing sasapit ang kaarawan ng dating Pangulo.

Nauna nang pumayag si Vice President Jejomar Binay na ilibing ang dating Pangulo sa kanilang lugar sa Ilocos Norte nang may full military honors. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply