GMA pinakakasuhan sa P900-M unliquidated travel expenses

PINASASAMPAHAN ng panibagong kaso ng isang kongresista sa Ombudsman si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo matapos na sumingaw sa Senado na umaabot umano sa P900-milyon ang nagugol sa mga nagdaang foreign trip nito.

Sinabi ni Citizens Battle Against Corruption (CIBAC) Party-list Rep. Sherwin Tugna, na dapat nang sampahan ng panibagong kaso sa Ombudsman si Arroyo dahil sa naturang halaga.

Ayon kay Tugna, pera ng taumbayan ang sinasabing winaldas ng dating Pangulo at malinaw na “plunder at malversation of funds” na naman ang ginawa ni Arroyo na tiyak na makakadagdag sa sandamukal na kaso nito.

Nagpa-alala din ang kongresista sa Commission on Audit (COA) na agad isumite sa Kamara ang report upang maisampa na ang kaso laban kay Ginang Arroyo.

Sa panig naman ng oposisyon ay sinabi ni House Deputy Minority Leader Danilo Suarez na bahagi lamang ito ng sistematikong paninira sa dating Pangulo dahil tila sobra ang ginagawang pagpapalutang sa ginastos nito sa biyahe sa abroad.

Giit ni Suarez na walang masama kung imbestigahan man ng Senado ang umano’y unliquidated na mahigit sa P900-milyon gastos sa biyahe ni GMA noong 2009 ngunit marapat lamang na timbangin na sa bawat biyahe nito ay bilyong dolyar ang iniuuwi nito sa Pilipinas.

Hamon pa ni Suarez na alamin sa Department of Foreign Affairs (DFA) na mai-liquidate ito at bigyan ang ahensya ng tamang panahon upang maisagawa ang report nang sa gayun ay hindi puro negatibo ang nakikita sa mga pagbiyahe ng dating Pangulo.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply