Government fees itataas ng 200%

PANIBAGONG pasanin na naman ang ipapataw ng administrasyong Aquino sa mga mamamayan matapos mabigong harangin ng Senado ang napipintong pagtaas sa singil ng lahat ng ahensiya ng pamahalaan na aabot sa 200 porsiyento.

Naghihimutok na ibinabala ng dalawang senador na oras na hindi maharang ng Senado ang binabalak na pagtaas ng lahat ng singilin sa anumang ahensiya ng pamahalaan mula sa pinakamababang 20 porsiyento hanggang 200 porsiyento.

Tiyak na bibigat na naman ang pasanin ng publiko.

Ito ay bukod pa sa ipinataw na value added tax sa singil sa toll fees.

Nitong Lunes (Setyembre 5), ipinatawag ni Sen. Manny Villar ang mga economic manager ni Pangulong Benigno Aquino III upang humarap sa Senate committee on economic affairs bukas (Martes) sa hangarin na makumbinsi na isantabi ang planong pagtaas ng government fees at charges.

Tutol si Villar sa pagtaas ng government fees at charges dahil sa ito ay magreresulta din sa pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin at serbisyo na lalong makadaragdag sa paghihirap ng mga Filipino.

Kabilang sa mga ipinatawag ni Villar sa imbestigasyon bukas ay Finance Secretary Cesar Pusirima, Tourism Secretary Mar Roxas, Budget Secretary Florencio “Butch” Abad, Trade and Industry Secretary Gregory Domingo at National Economic and Development Authority (Neda) Secretary-General Cayetano Paderanga.

Sa impormasyong nakuha naman ni Sen. Ralph Recto, aabot sa 50 hanggang 200 percent ang hinihinging pagtaas ng Bureau of Customs (BOC) sa port fees and charges.

“With the missing container vans and collection shortfall as background, allowing BOC to raise fees is tantamount to rewarding corruption and inefficiency,” patutsada ni Recto.

Habang ang National Bureau of Investigation (NBI) kung saan kinukuha ang sertipikasyon ng mga nag-aaply ng trabaho sa loob at labas ng bansa ay aabot sa 50 porsiyento ang itataas ng kanilang fees.

Ani Recto, ang iba pang ahensiya tulad ng Professional Regulation Commission, National Telecommunications Commission  (NTC) at Securities and Exchanges Commission (SEC) ay nagpaplano naman na magtaas ng 20 hanggang 30 porsiyento sa kanilang fees at charges.

Bukod sa mga nasabing ahensiya, napag-alaman din ni Villar na ang ibang ahensiya ng gobyerno na magtataas ng fees ay ang Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Department of Foreign Affairs (DFA), National Statistics Office (NSO) at Land Registration Authority (LRA).

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply