Hindi na nga makalakad, paano pa tatakbo?

ANG ating mga kalapit na bansa sa timog-silangang Asya– tumatakbo at nagmamadali patungo sa tuwid na daan ng kaunlaran.

Nagkakaisa ang lahat – ang kaunlaran ng isang bansa ay nasa pagtutulungan, mabuti at wastong pamamahala ng liderato sa iba’t ibang sangay ng gobyerno.

Sa Pilipinas, paano tayo tatakbo, eh, hindi nga tayo makalakad.

Sawa na ang bayan sa kultura at ugali ng mga pulitiko.

Ang mga ito ay matino lamang sa panahon ng eleksiyon.

At kapag nanalo na – “bahala na kayo sa buhay ninyo.”

Ito ngayon ang simula ng mapait at mabigat na kalbaryo ng taumbayan: babawiin ng mga kandidato ang perang ibinigay sa mga botante; mangungurakot sa mga proyekto na dapat pakinabangan ng tao at sosolohin ang mga pork-barrel na mula sa ibinayad na buwis ng mamamayan.

Paano mo babawiin ang ginastos na milyon at bilyong piso sa kampanya, samantalang ang suweldo ng nabanggit na mga pinuno ay wala pang limampung libong piso bawat buwan?

Mababawi ba ang gastos na ito, kung hindi ka magnanakaw?

Ito ang reyalidad – ito ang masaklap na katotohanan na tanggap ng bayan sapagkat sila mismo ay kasangkot sa kabalbalan.

Ngayon ay iniisip pa ang apat na araw na trabaho sa loob ng isang linggo.

Ano ba naman tayo? Kailan ba mawawala sa ating mga kukote ang mentalidad ng katamaran at gusto ay laging tikas-pahinga?

Likas sa mga Pinoy ang pagiging tamad at pusakal na sugarol.

Nakikipagsapalaran – nagbabakasakali na tumama sa lotto at jueteng.

Malaking panalo sa sabong, casino at madjong at iba pang sugal na madaling kumita ng pera, pero, madali rin namang maglaho at mawala.

Biglang-yaman baga, walang pagbabanat ng buto at walang pawis na tumutulo mula sa balat ng mga tamad.

Ang CCT – conditional cash transfer na proyekto ng gobyerno ay maliwanag na halimbawa ng katamaran. Biruin mo – bibigyan mo ng halos 1,800 pesos ang isang mahirap na pamilya nang walang gagawin kundi bantayan ang pag-aaral ng mga anak.

Parang mga pensiyonado na tumatanggap ng pensiyon sa gobyerno nang walang ginawa kundi puro katamaran.

Ang gobyerno ay nakatakdang lumustay ng 70 billion pesos para sa CCT hanggang sa taong 2015. Napakalaking halaga kung iisipin na hanggang sa ngayon ay walang sistema sa monitoring kung saan
talaga napupunta ang pera ng bayan.

Sino-sino talaga ang nagkakaroon ng benepisyo? Ito ba ay talagang mahihirap na dapat tulungan? At ngayon ay ilan na ang eksaktong natulungan?

Marami kasi ang nag-iisip na ito ay maagang “gimmick” sa darating na eleksiyon. Ilagay na na-ting hindi kakandidato si Secretary Dinky Soliman ng DSWD – Department of Social Welfare and Development, pero hindi naman kami naniniwala.

Okay lang, pero paano naman ang mga kaalyado nina Dinky at PNoy? Hindi ba sila ang tiyak na mamumunini at makikinabang sa “pantawid-pamilya-program?”

Ang mga local official ang nagbibigay ng talaan ng mahihirap sa mga barangay at hindi si Dinky.

Marami ang mga reklamo. Kung hindi kapartido at kakampi ng local official, halimbawa, mayor ay hindi isinasama ang pangalan, gayong sila ay isang kahig, isang tuka, kung minsan ay kahig nang kahig ay wala namang matuka.

Kung ganito ang mangyayari – tiyak na may bentahe ang mga incumbent official. Hindi na masyadong malaki ang gastos sa darating na eleksiyon.

Kailangan lang ay sipag at tiyaga sa pambobola sa mga botante na madali namang nagogoyo sa taginting ng talumpati at pangako na malimit napapako at hindi natutupad.

Higit na malaki ang pakinabang ng mahihirap kung ang 70 billion pesos ng CCT ay gagamitin mismo ng gobyerno sa pagtatayo ng mga small-scale-medium industry at kooperatiba – ang mahihirap ay hindi na kailangang tumakbo – maglalakad na lamang sila sa lugar na kinalalagyan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply