Ilang embahada ng PH hiling na buwagin

NAIS ni Senador Manuel Villar na buwagin ang ilang embahada ng Pilipinas sa buong mundo.

Ito ay upang makatipid ng gatos ang gobyerno.

Sa kabuuang 94 embahada at konsulada na nakakalat sa iba’t ibang panig ng mundo, dapat itong bawasan ng 79 at itira ang 15.

Binigyang diin ng senador na mas makabubuting magtayo na lamang ng overseas Filipino workers (OFWs) center ang Pilipinas sa mga bansa kung saan maraming nagtatrabahong mga Filipino.

“Lahat ng bansa ay may DFA, totoo naman yun pero bakit kailangan lahat ng bansa may embassy ka pa. Sa akin konti na lang ang embassy dapat, gawin na lamang OFW center,” paliwanag ng senador.

Ilan sa mga embahada na gustong panatilihin ni Villar ay sa Estados Unidos, China, Japan, sa Middle East at ilan sa Europe at South America.

Muli ring iginiit ni Villar ang paglikha ng isang kagawaran para sa OFWs upang tumutok sa kapakanan ng mga kababayang nagtatrabaho sa ibang bansa.

Idinagdag pa nito na imbes ituon ng gobyerno ang pagpapalago ng turismo sa bansa, mas makabubuting bigyan ng prayoridad ang pagbuo ng isang departamento para sa OFWs.

Umaabot lamang umano sa 3 milyon  ang turistang pumapasok sa bansa kada taon at ang pamilya nila ay nasa ibang bansa habang ang OFWs ay umaabot sa 10 milyon at nasa Pilipinas ang kanilang pamilya.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply