Importer itinanggi ang kaugnayan sa smuggling ring

ITINANGGI ng isang importer ng bigas na kasabwat siya ng isang smuggling ring gayundin ang may-ari ng Puregold Price Club at S&R Superstore sa mga akusasyon sa isyu ng smuggling.

Ayon kay Conrado Ibanez, pangulo ng Intercontinental Grains, magsasampa umano siya ng kaso laban sa mga opisyal ng Bureau of Customs na nag-akusa sa kanya na siya umano ay smuggler at nakipagsabwatan sa may-ari ng Puregold at S&R na si Lucio Co.

Nagtungo umano ang  mga ahente ng Customs Intelligence Division sa tanggapan ni Ybanez noong Lunes, Setyembre 12, upang kwestiyunin ukol sa mga kliyente nito at kung nag-dedeliver siya ng mga bigas na galing Thailand at Vietnam sa mga tindahan ng Puregold.

Sinagot naman ito ni Ybanez na hindi lamang sa Puregold kundi maging sa iba pang supermarket gaya ng Hypermart , Savemore ,Shopwise at Rustans. Maging sa Thai Embassy ay nagdedeliver umano ang kanyang kumpanya.

Pinasinungalingan din ni Ybanez ang ulat ni Simeon Caparrozzo, Jr. ng BOC na ikinumpisal niya sa BOC na inilipat ng isang Lucio Co ang mga delivery dates maging ang bodega ng pagdadalhan ng kanyang mga bigas sa Pasig City upang lituhin ang mga Customs Intelligence na tumitiktik sa kanilang operasyon.

Imbes na dalhin umano ang mga bigas sa Pasig ay dinala umano ang mga bigas sa bodega ng Uni-Nexus na pagmamay-ari ng isang Jimmy Go na sinalakay kamakailan ng BOC.

Nagkamali umano ang BOC sa pagsalakay sa Uni-Nexus ayon kay Ybanez dahil ang mga bigas na naroroon ay hindi smuggled. Desperado na lamang umano ang BOC upang pagandahin ang imahen ng ahensya na nalugmok sa isyu ng mga nawawalang container vans dahil sa katiwalian sa loob ng Aduana.

Tinanggi rin ng PureGold ang mga akusasyon na bahagi sila ng smuggling. Ayon kay Baby Girlie Sacro, Puregold corporate secretary, ligal ang mga pamamaraan ng kumpanya at tumutupad sa mga batas at regulasyon ng pagnenegosyo. Katunayan umano ay walang mga produkto na inaangkat ang Puregod at puro “locally sourced” ang kanilang paninda. May sertipikasyon umano na galing BOC na ang Puregold ay walang anumang utang sa ahensya o kaso at imbestigasyon kaugnay sa mga importasyon ng produkto o hindi pagbabayad ng buwis. Ben Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply