Iraq nanghihimok sa OFWs – DFA

DAHIL humupa na ang kaguluhan at unti-unti nang bumabalik sa normal ang sitwasyon sa Iraq, lumaki ang posibilidad na tuluyan nang maalis ang ipinaiiral na total ban sa pagpapadala ng mga manggagawang Filipino sa naturang bansa.

Sa ulat ni Foreign Affairs Undersecretary Rafael Seguis sa Department of Foreign Affairs (DFA), mismong ang Ministry of Foreign Affairs ng Iraq ang humimok sa Pilipinas na buksang muli ang embahada nito sa Baghdad dahil nasa maayos nang kalagayan ang katahimikan at kaayusan sa kapitolyo ng bansa.

Si Seguis ang namuno sa lima-kataong delegasyon ng bansa na ipinadala ni Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario sa Iraq upang personal na suriin at alamin ang tunay na kalagayan at sitwasyon doon.

Sinabi ni Seguis na tiniyak sa kanila ng mga awtoridad sa Iraq na matatag na ang seguridad at normal na ang sitwasyon kumpara sa mga nagdaang taon kung kailan binulabog ang bansa ng matinding kaguluhan.

Siniguro rin ng pamahalaan sa Iraq na lahat ng suporta at diplomatikong pakikitungo ay kanilang ipagkakaloob kung sakali at muling magbukas ang embahada ng Pilipinas sa kanilang bansa.

Sa oras na mabuksang muli ang embahada ng Pilipinas sa Baghdad, hindi malayong muling dumagsa ang mga overseas Filipino worker (OFW) na magnanais na magtrabaho sa Iraq.

Magugunitang napuwersang ilipat ng Pilipinas ang embahada nito sa Iraq sa katabing bansang Jordan may anim na taon na ang nakararaan makaraang sumiklab ang kaguluhan sa naturang bansa at nadamay ang mga OFW.

Noon ay naiulat na kabilang sa mga dinukot at pinaslang ang ilang OFW kaya’t nagpasya ang pamahalaan na magdeklara ng total ban sa pagpapadala ng manggagawang Pinoy sa naturang bansa.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply