Iwas buwis ng traders na wais

NOON madali lang sa mga negosyante ang pag-iwas sa mataas na bayarin sa buwis na itinatakda sa kanila ng pamahalaan.

Kakasabwatin lang ng mga ito ang mga empleyado ng gobyerno tulad ng Bureau of Internal Revenue at Local Government Unit, presto!, maliit na lang ang mababawas sa perang itinatago sa baul o nakabukol sa bulsa.

Dahil ayaw ni Pangulong Noynoy Aquino ng katiwalian sa kanyang administrasyon, naging mahigpit ang BIR sa pangunguna ni Commissioner Kim Henares at LGU sa pagpapatupad ng pagbubuwis, marami sa mga negosyante ang nadismaya dahil malaki ang babayaran nila sa gobyerno.

Naging mahirap para sa mga negosyante na pababain ang kita ng kanilang establisimyento  upang maging mababa rin ang bibitiwan nilang pera bilang buwis sa pamahalaan.

May mga negosyanteng nag-akalang madadaya nila ang pamahalaan o mahihilot nila ang bayarin sa buwis kaya’t hindi agad nagbayad ang mga ito. Nasanay kasi na magbabayad lang kapag buking na deadma sila sa responsibilidad bilang mamamayan. Ngayon, naging mahigpit ang BIR sa usapin hinggil sa buwis kaya naman kahit isang araw lang ang lapse sa takdang araw ng pagbabayad, kailangang magbayad ng penalty. Medyo masakit ito sa bulsa ng mga mamumuhunan.

Ngunit hindi pa rin maiiwasan na may mga tuso pa ring negosyante na sa halip na magbayad ng buwis kasama ang interes, nagpalit na lang ang mga ito ng business name subalit iyon pa rin naman ang address. Mga wais talaga! O tuso sobra!

Subalit hindi dapat maging kampante ang mga ahensiya ng pamahalaan sa halip ay makaisip ng paraan upang mabawian ang mga negosyanteng ayaw makibahagi sa pamahalaan sa pagbalikat ng mga pangangailangan ni Juan dela Cruz.

Unang dapat tingnan at busisiin ng BIR at LGUs ay ang mga beerhouse, night spot, spa at  kainan na mabilis magpalit ng pangalan subalit ang address at management ay iyon pa rin naman. Kailangang kumilos na ang gobyerno para matigil ang pang-uuyam ng mga negosyanteng ito na kayang-kaya nilang utakan o lamangan ito.

Kung nais po ninyong ibahagi ang karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya at pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari po kayong mag-text sa 0921517-5814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply