Ka-Brod

MAY mga  tinatawag na value clusters o mabubuting katangian ang mga Filipino na sinalaula ng politika at nakaaapekto sa ilang aspeto ng pamamahala ng mga tauhan sa gubyerno.  Ang value clusters gaya ng palabra de honor, delicadeza, bayanihan at pakikisama ay ilan lang sa mga nabagong anyo ng mga mabubuting katangian ng mga Filipino at nabigyan ng hindi magandang pagsasabuhay.

Minsan pinilit ng isang advertising agency na ibalik ang value clusters na ito sa gunita ng publiko sa pamamagitan ng ilang TV commercials subalit tila hindi naging epektibo ang pagtanggap ng mensahe para sa ilang mga tauhan ng gobyerno.

Isang lubhang palasak na gawi sa larangan ng pulitika  ay ang pakikisama sa maling paraan.  Batid natin na hanggang sa antas ng barangay ay nangyayari ito.

Ang kumpare o padrino system sa politika ay lantarang pagpapakita na pagbibigay pabor ng ilang politiko sa kanilang mga kasangga.

Minsan nang ipinakita ng mga Filipino ang pagkakaisa sa  tema ng ngitngit.  Noong March 1995, panahon ng eleksyon.  Nagulantang ang mga Filipino dahil sa bibitaying OFW na si Flor Contemplacion.  Unang pagkakataong masaksikan na may isang kapwa Filipino na sa tingin nila ay naapi at hindi nabigyan ng tamang hustisya, lahat mataas ang emosyon.

Sa larangan ng sociology, hindi masisisi ang mga Filipino kung magkaisa sila dahil sa emosyon.  Galit ang namutawi sa bibig ng karamihan dahil sa pagbitay kay Contemplacion sa Singapore.  Ito ang diwa ng ethnocentrism.

Nagkakaisa ang isang grupo dahil may isang usapin na nagtutulak sa kanila para magkaisa.  Maraming galit sa bansang Singapore.  Ang iba, galit sa gubyerno dahil hindi umano binigyan ng pansin ang kaso ni Contemplacion.

Pero sa ganitong pagkakataon, hindi rin maiiwasan magamit ang usapin laban sa kung sino ang pamunuan noong panahong iyon.  Ang administrasyon ni dating Pangulong Fidel Ramos na nagtutulak ng sariling administration slate noong 1995 senatorial election, umani ng batikos, siyempre pa sa oportunistang oposisyon.

Sa kabila ng pagkakaisa, iiral naman ang isang negatibong ugali ng mga Filipino, ang talangka mentality. May angkop na pagkakataon nga naman noong oras na iyon upang hanapan ng butas ang kalaban.

Subalit nitong mga nagdaang panahon, mayroong mga pangyayari na ang pagkakaisa ay nababahiran na rin ng politika at ito ang hindi katanggap-tanggap para sa pagpapatakbo ng gobyerno.  Apektado kadalasan dito ang mga transaksiyon sa larangan ng negosyo at ang nakatatakot—sa pagpapatupad ng hustisya.

Ang usapin ng freemasonry at fraternity ay isang bagay na bumabalot sa isang bahagi ng pamamahala sa gobyerno ngayon.  Bagamat mabuti ang mga simulaing nais ipahatid ng freemasonry at fraternity, may mga pagkakataong lumilihis na ito sa wastong pamamahala ng gobyerno.

Hindi lingid sa atin na may mga kasong napapagaan gawa ng ka-brod ni ganito si ganitong politiko.  May dalawang hindi katagalang kaso na napagdudahan ang isang mataas na opisyal ng gubyerno na sinalo umano ang kaso ng isang sangkot sa pagpapasabog at ilang kabataan sangkot naman sa hazing dahil umano sa ka-brod ng mataas na opisyal ng gubyerno ang mga sangkot.

Sa freemasonry, ilang usapin na rin ang naungkat dahil sa gumalaw umano ang isang transaksiyon sa gobyerno dahil sa ka-brod ng isang mason ang nasa puwesto at napaburan ang kapwa mason.

Sa kabuuan, inaanay ang sistema ng pamamahala dahil sa maling pagsasabuhay ng value clusters ng mga Filipino. At sadyang makaaapekto ang ganitong sistema hanggang sa susunod pang henerasyon — ang pamamahala ng gbyerno na nakasandig sa sistemang ka-brod.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply