Kahulugan ng gradong “very god” ni Pinoy

LUMUNDAG sa “very good” mula sa dating “good” lamang ang kasiyahang-loob ng mga Filipino sa pagganap ng Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang tungkulin, ayon sa pinakahuling survey o pag-aaral na isinagawa ng Social Weather Station (SWS) sa buong kapuluan.

Natuklasan sa survey na isinagawa noong nakaraang Setyembre 47 na 70 porsyento ng 1,200 na mga tinanong ang nagpahayag ng kasiyahan sa pamamahala ni Aquino at 14 porsiyento lang sa kanila ang nagpahayag ng pagkadismayado.

Nauna rito sa isang survey ng SWS ay natuklasang 80 porsiyento ng mga Filipino ang naniniwalang  bubuti  ang kanilang pamumuhay sa darating na taon

Sa ganang akin, ang ibig sabihin nito ay malaki ang pagtitiwala ng bayan kay PNoy kaya’t sang-ayon sila sa anomang diskarte na ginawa ng Pangulo sa paglutas sa mga problema ng bansa sa loob ng nakalipas na tatlong buwan.

Nangangahulugan ang resulta ng mga survey na: –Sang-ayon ang mga Filipino sa patagong pakikipag-usap ni PNoy kay Murad Ibrahim, chairman ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Tokyo, Japan sa ikatatamo ng palagiang kapayapaan sa Katimugang Pilipinas sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na mga pag-uusap ng mga kinatawan ng MILF sa panel ng gobyernong Filipino.

Magugunitang inupakan si Aquino ng kanyang mga kritiko sa pasikretong pakikipagtagpo niya kay Murad.

–Pagsang-ayon din ng bayan sa tila napapadalas na paglalakbay sa ibayong-dagat ng Pangulo upang mang-akit ng mga dayuhang mamumuhunan sa America, Japan at China.

–Hindi naniniwala ang mayorya ng mga Filipino na kasalanan ni PNoy ang pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang mga produkto ng langis, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pagtaas ng pasahe sa tren, at iba pang transportasyong publiko at pagtaas ng toll fees sa mga super-highway.

–Sang-ayon ang mayorya ng mga Filipino sa programa ng administrasyong Aquino na tugisin, papanagutin at ikulong ang mga mga magnanakaw sa gobyerno noong nakaraang mga administrasyon.

— Kumporme ang mayorya ng mga Filipino sa polisiya ng pamahalaang Aquino na mamigay ng kondom o goma at iba pang mga gamit sa pagpaplano ng pamilyang Filipino, puwera ang mga pampalaglag ng sanggol.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply