Kamara dapat i-monitor na rin ang langis

HINIMOK ng isang kongresista ang liderato ng Kamara de Representantes na mag-monitor na rin sa pagtaas at pagbaba sa presyo ng produktong petrolyo.

Tila desperado na si Eastern Samar Rep. Ben Evardone sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na aniya’y maging ang publiko ay nawawalan na rin ng pagtitimpi ukol dito dahil hindi rin aniya kumikilos ang administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III para maibsan ang pasanin ng mga Filipino.

Sa kaniyang liham kay House Speaker Feliciano Belmonte, Jr. inudyukan ni Evardone ang Kamara na kumilos na rin upang gamitin ang Congressional Budget Policy Office (CBPO) para araw-araw na i-monitor ang presyo ng langis at matukoy kung may pag-abuso ang oil companies.

“If necessary, Congress can even initiate immediate moves like the filing of cases against oil companies found to have exploited the volatile oil prices in the international market,” ayon pa kay Evardone.

Kinalampag din ng kongresista ang Department of Energy (DOE) dahil sa halip na sampahan ng kaso ang mga abusadong oil company ay tila sila pa ang nagbibigay ng proteksyon sa mga ito.

Banggit pa ni Evardone sa katatapos na press conference, na binigo ng DOE ang publiko dahil nawalan ng saysay ang Oil Deregulation Law samantalang may kapangyarihan ito upang busisiin ang libro ng mga kompanya ng langis.

Maging ang Philippine Gaming Corporation (PAGCOR) ay pinaalalahanan ni Evardone kung naibibigay nito sa DOE ang may P300 milyong alokasyon para sa “start up capital” ng mga retailer na hanggang ngayon ay hindi malinaw kung saan napupunta.

Ngunit sa kabila ng kaniyang pagkadismaya sa DOE ay tumanggi pa rin si Evardone na pagbitiwin sa pwesto si Energy Secretary Jose Almendras sa halip ay ipinauubaya niya kay Pangulong Aquino ang usaping ito.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply