Kapayapaan sa Muslim

WALANG bago sa ginawang paghiwalay sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) ni Muslim rebel commander Ameril Umbra Kato bilang pagtutol sa pakikipag-usap sa kapayapaan ng liderato ng MILF sa mga kinatawan ng pamahalaang Pilipino.

MINDANAW UMIILAP

Kasalukuyang idinaraos ang mga talastasang ito sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Ito marahil ang dahilan kung bakit halos walang nag-react sa pagtiwalag ni Ameril Umbra Kato sa MILF upang  magtatag ng sariling grupo na makikilala sa tawag na Bansamoro Islamic Freedom Fighters  (BIFF).

Magugunitang nilayasan din si  Muslim National Liberation Front (MNLF) Chairman Nur Misuari ng kanyang mga miyembro nang hindi sila sumang-ayon sa kanyang pakikipagkasundo sa pamahalaang Pilipino na kapalit ng pagtatatag  ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Hindi lumaon, ang mga kalaban ni Misuari ay nagtatag ng sariling grupo na kilala ngayon sa tawag na Moro Islamic Liberation Front na nagtataguyod ng paghiwalay sa Pilipinas at pagtatayo ng isang independiyenteng estado o pamahalaan.

Humiwalay rin kay Misuari ang isa pang grupo ng separatistang Muslim fundamentalists na kilala ngayon sa tawag na Abu Sayyaf na walang humpay sa paghahasik ng lagim laban sa mga komunidad na Muslim at Kristiyano sa Katimugang Pilipinas.

Matapos ibasura ng Korte Suprema ang isang kasunduan ng pamahalaan at ng MILF noong panahon ng dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na  nagkakaloob sa MILF ng kontrol sa lupain ng kanilang mga ninuno, hinihingi naman nila ngayon sa pamahalaang Aquino ang pagpupundar ng isang sub-state para sa mga  Muslim sa Mindanaw.

Tinanggihan ng panel ng pamahalaang Pilipino ang kahilingang ito sa dahilang malalabag ito sa Saligang-Batas at  sa halip ay iminungkahi ang isang pinalakas at pinalawak na teritoryo ng kasalukuyang ARMM.

Mukhang tama si Senate President Juan Ponce Enrile na walang kahihinatnan ang mga pag-uusap sa kapayapaan sa Mindanaw kailanman hangga’t igigiit ng MILF ang pagtatayo ng isang sub-state para sa mga Muslim.

Paano ka nga naman makikipag-usap ukol sa isang bagay na lalabag sa Konstitusyon o hindi ipinahihintulot nito. Ayaw nating lahat na lumabag sa saligang-batas.

Gayunman, hindi nagsasara ng pinto ang MILF sa patuloy na paghahanap ng kapayapaan sa Mindanaw at iba pang lugar.

Ang kopya ng kabu-uang alok ng pamahalaan sa MILF ay nakatakdang isumite ng mga negosyador ng MILF sa Central Com-mittee ng kanilang organisasyon sa loob ng linggong ito upang himayin at masu-sing pag-aralan.

Naniniwala kami na sa bandang huli ay tatalikuran na ng ating mga kapatid na Muslim ang kanilang pangarap na magsarili ng bansa sapagkat saksi ang kasaysayan na wala silang pagkakaisa at kapasidad na magsarili at magpatakbo ng isang independiyenteng estado sa loob man ito o sa labas ng Republika ng Pilipinas.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply