Kaso ng dengue sa bansa bumaba

INIULAT ng Department of Health (DOH) ang pagbaba ng naitalang kabuuang bilang ng dengue cases sa buong bansa.

Batay sa pinakahuling datos ng DOH, lumilitaw na mula Enero hanggang Setyembre 3, 2011 ay nakapagtala ng 63,741 dengue cases na mas mababa ng 27.08 porsiyento kumpara sa 87,409 kaso na naitala nila sa kahalintulad na panahon noong 2010.

Maging ang naitala nilang dengue deaths ay bumaba rin o mula sa 586 deaths noong nakaraang taon ay naging 373 na lamang ngayong taon.

Karamihan pa rin sa mga kaso ay naitala sa National Capital Region (14,081), Central Luzon (11,427), Calabarzon- Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon- (9,414), Ilocos region (8,811), at Cagayan Valley (3,942).

Sa NCR, karamihan sa mga kaso ay mula sa Quezon City (4,385), Calookan City (1,802), Manila (1,620), Valenzuela (1,029), Pasig (800) at Malabon (706).

Walang pinipiling biktima ang dengue dahil ang mga edad ng mga ito ay mula sa wala pang isang taong gulang na sanggol hanggang 92 taong gulang.  Pinakamaraming nabiktima o 41% sa 1-10 age group.

Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, ang pagbaba ng dengue cases ay dulot ng sama-samang pag-aksiyon ng lahat ng stakeholders, tulad ng mga mamamayan at mga local government.

Sa kabila naman nito, nagbabala si Ona sa publiko na huwag magpabaya laban sa dengue na isa na aniyang “all-year round public health threat.”

Madali naman aniyang maiwasan ang dengue sa pamamagitan nang pagpapanatiling malinis sa kapaligiran at pagsira sa mga posibleng mosquito breeding sites.

Upang maiwasan naman ang dengue complications at death, pinayuhan ng kalihim ang mga tinamaan ng sakit na kaagad na kumonsulta sa doctor.

Ilan sa mga sintomas ng dengue ay mataas at paulit-ulit na lagnat sa loob ng dalawa hanggang pitong araw, pagsusuka, pananakit ng ulo at tiyan, panghihina ng katawan, pagdurugo ng ilong at gilagid at pagkakaroon ng rashes sa mukha at katawan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply