Katahimikan sa Dumaguete balewala sa DILG

HALOS mahigit isang buwan na nang matanggap ng Pakurot ang pakiusap ng ilang responsableng mamamayan ng Dumaguete City na maihatid sa tanggapan ni Secretary Jesse Robredo ng Department of Interior and Local Govern-ment ang kanilang liham na naglalayon na maipabatid sa kalihim ang mga kaganapan sa kanilang lugar.

Ganoon na rin po katagal nang matanggap ng DILG office sa 10th Floor ng Francisco Gold Condominium sa Mapagmahal St., sa Barangay Piñahan, Quezon City ang liham na naglalaman ng reklamo hinggil sa ilang opisyal ng nasabing lalawigan na sangkot sa ilang karahasan at iligal na gawain.

Hiling ng Movement for Violence Free Negros Oriental na maimbestigahan ang mga karahasan na nangyayari sa Dumaguete City kung saan ilang kilalang tao na rin ang nasawi kabilang ang isang abogado.

Pero hanggang ngayon, hindi pa rin umano kumikilos ang tanggapan ni Robredo.

Ano kaya ang hinihintay ng mga opisyal at tauhan ni Robredo bago kumilos?

Parating?

Aba, dapat sa inyo ay sibakin na rin sa puwesto dahil hindi kayo sumusunod sa pamantayan ni Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino na tahakin ang “tamang daan.”

Sa isang privilege speech noong Agosto 10, 2011, sinabi naman ni Dumaguete City Vice-Mayor Alan Gel Cordova, maraming nanunungkulan sa pamahalaang lungsod ang inirereklamo ng pang-aabuso.

Ang mga taong ito sana ang dapat pagkatiwalaan pagdating sa usapin ng kaayusan at katahimikan  subalit ang mga ito pa ang gumagawa ng gulo.

Ngayong nakaupo na ang bagong hepe ng Pambansang Pulisya na si Director General Nicanor Bartolome, nananawagan ang grupo ng MVFNO na magsagawa ng malawakang balasahan ang PNP sa kanilang rehiyon upang sa gayon ay bumalik ang tiwala ng mga tao sa mga pulis na dapat sana ay pagse-serbisyo ang ibinibigay sa mamamayan sa halip na sakit ng ulo.

Sinabi pa ng ikalawang ama ng nasabing lungsod na simula nang manungkulan sila noong Hunyo 30, 2010 ay araw-araw siyang
nagpapakuha ng report ng krimen mula sa police blotter kung saan umabot na sa 18 ang high profile murder at homicide cases.

Hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling hindi pa nalulutas ang mga ito.

Nais ni Cordova na palakasin ang relasyon ng pulis at ng mamamayan.

Ayon sa kanya magiging susi ito sa tagumpay ng kampanya para sa “peace and order” ng kanilang pamayanan.

Kaya naman, muli itong nanawagan sa liderato ni Robredo na imbestigahan ang kaguluhan na nangyayari sa Dumaguete City.

Kung hindi kayang aksyunan ni Robredo ang problemang inilalapit sa kanya, makabubuting bitiwan na niya ang kanyang puwesto nang makakuha si PNoy ng pamalit na mabilis umaksyon sa reklamo at hinihinging tulong.

Nais po ninyong ibahagi ang karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya at pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari po kayong mag-text sa 0921-5175814 o mag-email sa Santi _lean11@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply