Kawawa si Mayor Calixto

KAHIT ano yatang pagpupumilit ni Mayor Antonio Calixto na mapatakbo ng maayos ang pamahalaang-lokal ng Pasay City ay tila nababalewala at nauuwi lang kinalaunan sa hindi magandang pangyayari.

Ito ang puna sa kanya ng ilan sa mga kaibigan niya na tapat na sumusuporta sa kanya.

Napansin ko rin ito mula pa noong araw na tumuntong si Mayor Calixto sa Pasay City Hall bilang bagong alkalde ng lungsod.

Bakit ganito ang nangyari? Marami kasi sa mga kasamahan ng alkalde ay pawang “pekeng” public servant.

Ibig sabihin, hindi tunay na diwa ng public service ang nasa utak ng mga animal na ito kundi pansariling interes.

Nagbabalat-kayo lang sila sa tuwing maririnig n’yo na kanilang hangarin ang mapagsilbihan kayo ng tapat.  ‘Ika nga, madali silang lapitan pero mahirap naman hanapin!

Puro pagkakaperahan lang ang nasa isip nila habang gamit ang kapangyarihan o responsibilidad na iniatang sa kanila ng alkalde at maging ng taumbayan (para sa mga elected official).

Magandang mga halimbawa rito ang Business Permit and License Office (BPLO), ang Mayor’s Clean Team, ang Treasurer’s Office, at higit sa lahat, ang Traffic and Parking Management Office.

Ilan lang sila sa mga nakikitang dahilan kung bakit ngayon ay parami ng parami ang bilang ng mga botanteng nagagalit kay Mayor Calixto kahit pa ipinag-iibayong lubos ng alkalde na maitaguyod ang buhay ng mga kababayan niya, lalo na ang mga mahihirap na residente ng lungsod.

Hihimayin ko isa-isa sa inyo sa susunod ang kabulukan at anomalya ng mga nasabing tanggapan at ang mga animal na nasa likod ng mga kawalanghiyaang ito.

Subaybayan n’yo ito!

* * * * * * * *

Tila nagwawala daw itong si Jojie Claudio, anak ng yumaong Mayor Jovito Claudio, dahil sa diumano’y mga anomalyang nagaganap sa Pasay City Hall.

Iyan ang sinasabi pa sa akin ng isang kaibigan na nasa Office of the Mayor.

Kaliwa’t kanang mga kaso raw ang inuurirat nitong si Jojie at ipinupukol laban sa administrasyon ni Mayor Calixto.

Ang pinakahuli nga ay ang umano’y kuwestiyunableng payola ng may 65 consultants ng City Hall na umabot sa P4.8 milyon.

Ito raw ang dahilan kung bakit marami sa mga casual employee at consultant ng City Hall ang hindi pa nakakakuha ng kanilang monthly allowance hanggang sa kasalukuyan.

Pagkakatanggal daw sa puwesto ng kanyang maybahay bilang medical director ng Pasay City General Hospital ang dahilan ng hinanakit nitong si Jojie kay Mayor Calixto ngayon.

Dating kapartido ng alkalde si Jojie at isa sa mga kandidato para konsehal ng Team Calixto noong 2010 elections.

Pero, kahit sobrang kuwalipikado ang asawa ni Jojie ay inalis daw ito sa puwesto sa nasabing ospital dahil na rin sa tagubilin ng Civil Service Commission.

Walang kasing civil service eligibility ang asawa ni Jojie. Ibig sabihin, hindi siya puwedeng magtrabaho sa government sector.

Anomang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lamang sa 09994333437 o kaya’y e-mail lang sa boyetmu-nar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply