Kiko sumawsaw sa P7.5B ‘farm-to-pocket fund’ scam

NAGPURSIGENG maghain kaagad ng isang resolusyon si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan upang maunahan ang ibang senador sa panukalang imbestigahan ang nawawalang P7.5 bilyong “farm-to-pockets fund” na hinihinalang nilustay sa kasagsagan ng 2010 presidential elections.

Natuklasan sa Senado kaninang umaga na unang naghain ng resolusyon si Pangilinan upang imbestigahan ang katiwalian na inaatasan ang Senate committee on agriculture na manguna sa pagkalkal dito na kanyang pinamumunuan.

Maliban kay Pangilinan, nagpahayag na rin ng pagsang-ayon ang ilan pang kaalyado ng Palasyo sa Senado partikular si Sen. Teofisto Guingona III, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee.

Sinabi ni Pangilinan na sakaling mapatunayan ang katiwalian, panibagong kaso ng plunder ang kakaharapin ng opisyal ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at dating Agriculture Secretary at ngayon ay mambabatas na rin na si Rep. Arthur Yap.

Binigyang diin ni Pangilinan na ‘di hamak na mas malaki ito sa kontrobersiyal na fertilizer fund scam kaya’t dapat aniyang maparusahan ang mga salarin sa paglustay ng pera ng taong bayan.

Nagtataka rin si Pangilinan kung bakit nakalusot ang ganon kalaking pondo samantalang may election ban noon nang inilabas ang pera.

Nabatid sa report ng Commission on Audit (CoA), ang pondong gagamitin sana sa farm-to-market road ay inilaan bilang pambili ng gas mula sa service station na pag-aari ng pamilya Ampatuan na kilalang kaalyado noon ng dating Pangulong Arroyo.

Naunang natuklasan ni Sen. Franklin Drilon sa isinagawang pagdinig ng budget ng Department of Agriculture ang ipinalabas na P7.5 bilyong pondo mula Enero hanggang Hunyo 2010.

Ayaw naman maghain kaagad ng resolusyon si Drilon dahil nais muna nitong pag-aralan nang mabuti ang ebidensiya at dokumentong nakalap ng Senate committee on finance. Nagsampa naman kaagad si Pangilinan ng kaukulang resolusyon kahit wala pang resulta ang pagsusuri ng una. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply