Kiko tablado kay Chiz sa suspensiyon ng JJ Law

BINALEWALA ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ang panawagan ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na huwag munang galawin ang Juvenile Justice and Welfare Act kaya’t itutuloy nito ang pag-aamyenda sa batas na nagbibigay ng exemption sa criminal liability ng kabataan.

Ayon kay Escudero, mahirap na mapapansin ng mamamayan na nakatunganga lamang ang Kongreso sa negatibong epektong idinudulot ng batas sa kabataan tulad nang gustong mangyari ni Pangilinan habang nagpapasasa ang sindikatong kriminal sa paggamit ng batang 15 anyos pababa sa krimen.

Bukod sa pagdepensa sa kanyang iniakdang batas, pinasaringan pa ni Pangilinan ang mga kritiko, kabilang na si Escudero, ng “barking up at the wrong tree” dahil hindi naman daw ang batas ang may problema kundi ang mga pulis at ahensiya ng gobyerno na siyang nagkulang sa implementasyon ng batas.

Hindi naman ikinapikon ni Escudero ang patutsada ni Pangilinan, pero nagpahaging naman ito na hindi puwedeng nakatunganga lamang sila at umasa na perpekto ang nasabing batas.

“The important thing is that we are finally addressing the problem and taking the bull by its horn so to speak. We should work together in finding a solution and not sit idly as if everything is perfect.

Sinabi pa ni Escudero na kakausapin niya si Pangilinan bukas (Setyembre 19) upang sa gayon ay mapagkasunduan nila ang mabisang paraan sa problemang kinakaharap ng nasabing batas.

“I will discuss with him this Monday the proposed bill and collaborate with him as to how best to jointly approach this problem,” pagtitiyak ng senador.

Balak ni Escudero na ilabas na ang ang committee report ng resolusyon para suspindihin ang implementasyon ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 at bilang kapalit ay ipatutupad muli ang Child and Youth Welfare Code kung saan 9 anyos lamang pababa ang exempted sa criminal liability. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply