Kilos-protesta ng PALEA nagpasikip ng trapiko

LUMIKHA ng napakabigat na daloy ng trapiko ang ginawang kilos-protesta ng mga miyembro ng Philippine Airlines Employees Association (PALEA) nang magmartsa ang mga ito mula sa Gate 1 at 2 ng tanggapan ng flag carrier patungo sa Terminal 3 Biyernes (Setyembre 16) sa Pasay City.

Mahigit 500 miyembro ng PALEA, na ang iba’y kasama pa ang kani-kanilang anak at asawa, ang nagsagawa ng kilos-protesta sa Andrew Ave. dakong alas-tres ng hapon.

Inokupa nila ang apat na linya ng malapad na lansangan nang magsimulang magmartsa ang mga ito pasado ala-singko ng hapon patungo sa Our Lady of Parish Airways sa kanto ng MIA Rd. at Sucat Rd..

Kaagad namang nagsagawa ng kaukulang pagsasaayos ng daloy ng trapiko ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Southern Police District (SPD), kasama ang mga anti-riot policemen upang tiyaking magiging matahimik ang kilos-protesta at walang anumang grupo na makakapagsamantala sa sitwasyon.

Nagpasiyang bitbitin ng mga miyembro ng PALEA ang kanilang asawa at mga anak upang iparamdam sa pamunuan ng PAL na hindi lamang sila kundi ang kanilang pamilya ang maaapektuhan sa napipintong sibakan na nakatakda sa darating na Setyembre 30.

May mga nakalagay din sa tarpaulin na isinabit sa dala nilang sasakyan ang katagang “Pinoy Anti-Labor (PAL)” at “Save our children for future job, save our family.”

Binigyan naman ng ultimatum ng airport authorities at mga opisyal ng SPD ng hanggang ala-siyete ng gabi ang grupo upang magkusang umuwi na bago pa man puwersahang buwagin ang kanilang hanay.

Humirit naman ang grupo ng hanggang alas-otso ng gabi isasagawa ang kanilang protesta at programa.

Nagpasya ang grupo ng PALEA na isagawa ang protesta upang ipadama sa pamunuan ng PAL ang kanilang hinaing at mapigilan ang nakatakda ng pagsibak sa maraming kawani na apektado ng outsourcing o pagkakaloob sa pribadong kompanya ng karapatang mangalap ng trabahador na gaganap sa tungkulin ng mga masisibak na kawani.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply