Kilos-protesta vs VAT sa toll inilunsad

NAGSAGAWA ng kilosprotesta kaninang umaga ang grupong Tax payers Unity Against Toll Hike na labis na tumututol sa pagpapatupad ng VAT sa toll bukas (Oktubre 1).

Ang kilos protesta ay dinaluhan ng humigit kumulang 50 motorista dakong alas 6:00 ng umaga sa South Expressway, Nichols Plaza, Pasay City.

Ayon sa mga nagpo-protesta, sobra na ang nararanasan nilang pahirap gayong hindi pa tuluyang natatapos ang hirap na dinanas nila sa pananalasa ng bagyon ‘Pedring.

Gayunman nilinaw ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares na hindi maaaring tumaas ang pasahe at presyo ng mga pagkain kapag ipinatupad na ito.

Base sa kanilang computation, sa bawat isang kilometro ay 1.6 sentimo lamang ang magiging epekto habang .04 percent naman sa halaga ng pagkain.

Ani Henares, kapag nagkaroon ng mga pagtaas ay panloloko at pagsasamantala ito sa publiko.

Idinagdag pa ng opisyal na tanging temporary restraining order (TRO) lamang ng Korte Suprema ang maaaring magpahinto sa pangongolekta nito at mali ang sinasabi ng mga kritiko na kayang pigilan ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang pangongolekta ng buwis.

Sa pagtaya ng BIR, kikita ang Pilipinas ng karagdagang P2.3-P3 billion kada taon kapag naipatupad ang VAT sa toll.

Minaliit din ni Henares ang mga babala na posibleng sumiklab ang Constitutional crisis kung igigiit ng Malacañang ang pagpapatupad sa VAT sa toll.

Ang toll hike ay una nang sinang-ayunan ng Korte Suprema para ipataw ang VAT sa Toll kahit na may nakabinbing motion for reconsideration.

Pero nanindigan ang Malacañang at Bureau of Internal Revenue (BIR) na tuloy ang pagpapatupad ng Toll hike bukas.

Ayon naman sa mga motoristang dumaraan sa expressway, mapipilitan silang dumaan sa service road upang maiwasan ang malaking bayarin sa toll fee. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply