Leonel mas matimbang kay Mayor Lim

MAS ginusto pa raw ni Manila Mayor Fred Lim na bayaran agad sa lalong madaling panahon ang kompanya ng Leonel kaysa ipagkaloob ang benepisyo ng mga kawawang empleyado ng Manila City Hall.

‘Yan ang sumbong pa ng asset natin na nauna nang nag-expose tungkol sa hinaing nila sa naunsiyaming financial assistance (FA) na aprubado ng Manila City Council sa budget hearings nito noong 2009.

Tinatanggap na sana ng mga dismayadong empleyado ang halagang P2,500 na FA kada buwan mula pa noong Hunyo 2010 hanggang sa kasalukuyan ngunit nauwi lang ito sa pakiusap at mga pangakong napako ni Mayor Lim.

Nagtatanong ang mga empleyado kay Mayor Lim kung bakit mas matimbang pa ang kompanya ng Leonel – ang garbage collector ng Maynila — kaysa sa kanilang mga empleyado na sobra ang malasakit sa alkalde.

Totoo kaya ang paratang nila na isa si Mayor Lim sa mga may-ari ng Leonel kaya palaging “priority” ang pagbabayad dito?

O baka naman daw totoo rin na malaki ang komisyon na ipinararating ng nasabing kompanya sa City Hall kaya’t nauuna pang bayaran ito kaysa mga
empleyado?

Milyon-milyong piso na ang utang ni Mayor Lim sa kanyang mga empleyado. Maliban pa sa FA, hindi pa rin daw nareresolba ng alkalde ang halagang P7,000 insentibo ng mga government employees na ipinag-utos ibigay ni Pangulong Aquino noong Disyembre 2010.

Muli silang napangakuan ng alkalde na ibibigay ang lahat ng ito sakaling magkaroon ng sapat na pondo ang City Hall.

Ayon sa asset natin, kung kailan magaganap ito ay isang malaking katanungan.

Sa ngayon, lubog na daw sila sa utang dahil sa naunsiyaming mga benepisyo nila.

Siyanga pala Mayor Lim, naglipana din daw sa paligid ng Manila City Hall ang mga snatcher at mga addict sa solvent. Gayundin daw sa may bakod ng Intramuros.

Paki-aksyunan daw ito kaagad!

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply