Libro ng oil companies pinabubuksan

INIUTOS ni Pangulong Noynoy Aquino sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na buksan ang libro ng mga oil companies.

Sinabi ng Pangulo na layon nitong mabusisi ang kita ng mga kompaniya ng langis sa harap ng alegasyong overpricing sa presyuhan ng mga produktong petrolyo.

Ayon sa Pangulo, lumalabas na magkakaparehas ang presyong ipinatutupad ng mga tinaguriang ‘Big Three’ na kinabibilangan ng Petron Corp., Pilipinas Shell, at Chevron Corp.

Maliban dito, pinapa-review na rin umano ng Pangulo sa DoJ, Department of Finance at Department of Energy (DoE).

Sa Senado, panghihimasukan na rin ang hindi matigil-tigil na patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.

Isang resolusyon ang ihahain sa Senado para mapabuksan ang libro ng mga kompaniya ng langis upang maberipika kung overprice ang presyo ng gasolina at iba pang produktong petrolyo.

Sinabi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na ihahain niya sa darating na Lunes ang resolusyon para atasan ang kinauukulang komite ng Senado na siyang bumusisi sa libro ng mga oil companies.

Binigyang-diin ni Cayetano na kailangang kumilos na ang Senado dahil parang ayaw gampanan ng DOE ang kanilang trabaho na silipin ang libro ng mga kompaniya ng langis.

Tiniyak din ng senador na naaayon sa Oil Deregulation Law ang gagawin nilang pagbusisi sa libro ng mga oil firms.

Hindi pa man nabubuksan ang libro ng mga kompanya ng langis, kumbinsido na si Cayetano na sobra-sobra ang presyong pinapataw ng mga higanteng oil companies kung saan malinaw na pruweba nito ang bilyun-bilyong pisong kinikita nila kada taon.

Idinagdag pa ni Cayetano, dapat din na sisihin ang gobyerno sa sobrang mahal ng gasolina sa bansa dahil sa napakalaki ng buwis na pinapataw nila dito.

Aniya, hindi katulad sa bansang Thailand kung saan binabalak na nilang tanggalin ang buwis sa gasoline upang hindi makuba ang kanilang mamamayan sa pinapasang mahal na presyo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply