Lider ng sindikatong nanloko sa PAGCOR buhay pa

IBINUNYAG ngayon ng isang kongresista na buhay pa si Ben Lui, ang lider ng sindikatong nandaya at tumalo sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ng daan-daang milyong piso.

Isiniwalat ito ngayon ni House Committee on Games and Amusement chairman at Manila Rep. Amado Bagatsing kung kaya agad itong nakipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation (NBI) upang hantingin si Ben Lui.

Kinumpirma ni Bagatsing na may natanggap na impormasyon ang kanyang opisina na tanging ang ‘singaporean passport” umano ni Lui ang pinatay nang matuklasan ang pandarayang ginawa ng kanyang grupo sa mga casino na pinagsugalan ng mga ito.

Si Ben Lui ay may nakabinbing kaso sa Parañaque City Regional Trial Court subalit nakalaya ito nang makapagpiyansa matapos ibaba sa simple estafa ang naunang inihain na syndicated estafa na inihain laban sa kanya at iba pang miyembro ng sindikato.

Ito ang dahilan kung bakit nakapuslit palabas ng Pilipinas ang grupo nito na hindi man lamang natimbrehan ng Bureau of Immigration at Department of Justice (DOJ) maging ng PAGCOR officials at saka pumutok ang balitang pinatay ito sa China.

“Singaporean passport lang niya ang namatay. Marami pala siyang passport. Meron din siyang Malaysian passport at nasa Pilipinas na naman daw. Baka nagpalit lang ng pangalan,” pahayag ni Bagatsing.

Sinabi ni Bagatsing na batay sa mga natatanggap niyang impormasyon ay nagpapalipat-lipat lamang ng lugar si Lui at patuloy pa ring nakapaglalaro sa mga Casino.

“Balita ay sa CEZA (Cagayan Economic Zone Authority) siya naglalagi ngayon kaya sinulatan na natin ang NBI para tugisin at arestuhin siya,” ani Bagatsing.

May mga ulat na hindi bababa sa P400 milyon ang nakulembat ng grupo ni Lui sa ilang casino sa Metro Manila gamit ang makabagong gadget para makapandaya sa sugal.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply