LTFRB: Transport strike ng Piston di ramdam

HINDI naramdaman ang inilunsad na tigil-pasada ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (Piston) sa iba’t ibang lugar sa bansa ngayong araw ayon sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB).

Sinabi ni Chairman Jaime Jacob ng LTFRB, tanging sa Laguna at Cavite ang maraming sumama sa strike ng mga dyipni base sa naging assessment ngayong tanghali ng ahensya.

Sa Cagayan de Oro ay bahagyang naapektuhan kaninang madaling araw ang 40 porsyento ng mga namamasada dahil may ilang nagpoprotesta ang nagpakalat ng spike.

Umaksyon din naman kaagad ang mga pulis at napigil ito kaya dakong alas-9:00 ng umaga ay balik-normal na ang pasada ng pampublikong mga sasakyan.

Samantala, dumanas naman ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko ang ilang pangunahing lansangan sa Kalakhang Maynila dahil sa pansamantalang kinansela ang number coding scheme ngayon kaya halos dumoble pa ang mga bumabyahe.

Partikular na nagsikip ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng Edsa hanggang Buendia.

Lalo pang nagpasikip sa daloy ng trapiko ang mga militanteng humarang sa bahagi ng kalye kaya’t lalong naperwisyo ang mga motorista.

Sa Monumento at Caloocan, nauwi sa kantiyawan ang protesta ng may nasa 100 drayber dahil tila nilalait ng mga ito ang kanilang mga kasamahang drayber na hindi sumama sa tigil-pasada.

Kabilang sa mga lugar ng nagkaroon ng kilos-protesta ay ang España at Sta. Mesa sa Maynila, Welcome Rotonda at Cubao sa Quezon City.

Sa monitoring naman ng MMDA, sinabi ni chairman Francis Tolentino na wala pa namang naistranded na mga pasahero sa pangunahing lansangan.

Ayon pa kay Tolentino, kaninang alas-3:00 ng madaling araw ay naka-ready na ang mga bus ng MMDA sa Edsa para magbibigay ng libreng sakay.

Maliban dito, nag-deploy din ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng mga Army truck para magamit sa mga maiipit na pasahero.

Muli namang nagbabala si Tolentino sa mga transport groups na panatilihing nasa ilalim ng batas ang gagawing protesta ngayong araw.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Transportation Secretary Mar Roxas na hindi na nila kakasuhan pa ang mga sumali sa tigil-pasada dahil karapatan ng mga ito na ilabas ang hinaing sa gobyerno.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply