Mali-mali ang grammar ng field reporters sa IBC 13

MAAYOS naman at mapayapa ang pagbabalita sa IBC 13, partikular na sa Newsteam IBC, pero napuna naming ungrammatical ang Filipino na ginagamit ng ilang field reporters nila.

Halimbawa, ginagamit nila ang “ni” para tukuyin ang bagyo. “Ni bagyong Mina” kung mag-ulat sila tungkol sa kadaraan lang na bagyo. Pantao lang ang “ni,” at ang dapat nilang gamitin ay “ng.”

Kasing mali yan ng paggamit ng “siya” at “niya” para tumukoy sa mga bagay. Ungrammatical ang “Nilabhan ko ang sneakers ko kaya ang linis-linis na n’ya!” Hindi “n’ya” ang tamang gamitin du’n kundi “nito” o “ng mga ito.”

Hindi po mabuti na magturo ng maling Filipino ang mass media. Wala kayang language editor sa IBC newsroom para turuan ng edukado at tamang Filipino ang field reporters at continuity writers nila para sa newscasters nila?

Pero kapuri-puri para sa amin ang mahinahong pagbabalita ng IBC 13. Gusto rin namin yung makabayang plugging nila na “Sa Pilipinas, may tungkulin ang bawat isa.” Oo nga pala, alam n’yo bang isa sa newscasters ng IBC ay ang misis ni Ryan Eigenmann na si Cathy? Okey naman siyang mag-present ng balita.

Dating ramp and commercial model si Cathy. Kamakailan lang sila ikinasal ng napakahusay na character actor na anak ng dating mag-asawang Gina Alajar at Michael de Mesa.

Nag-Google kami tungkol kay Cathy nung una naming mapanood si Cathy Eigenmann sa IBC, para malaman kung isa pa siya sa mga anak ni Mark Gil sa iba’t ibang babae. Napag-alaman nga naming apat na taon pala silang nag-live-in ni Ryan bago sila nagpakasal, at umuwi mula sa Amerika si Michael para dumalo sa kasal.

***

NABANGGIT na rin lang namin na di dapat magpalaganap ng mali ang mass media, gusto naming tawagin ang pansin nung advertising agency na naglalabas ng commercial tungkol sa pamimigay ng 10,000 pares ng rubber shoes para sa katuparan ng mga pangarap ng mga bata.

Wala pong logic ang statement na yon. Paano naman matutupad ang pangarap ng mga bata sa pagkakaroon nila ng rubber shoes? Binabanggit pa nga sa umpisa ng commercial na yon na may isang bata na ang pangarap ay maging piloto para makarating siya sa bansang pinagtatrabahuhan ng tatay n’ya na ilang taon na rin n’yang di nakikita dahil di na umuuwi sa Pilipinas ang ama. Paano matutupad ang pangarap ng bata dahil lang magkakaroon siya ng rubber shoes? Ni hindi nga siguradong makakatapos man lang ng elementaryang batang yon, eh!

Okey lang po na mamigay ang kumpanya ng mga sapatos, pero palabasin na pagbibigay-katuparan yon sa mga pangarap ng mga bata. Kung full scholarship mula elementarya hanggang college ang ipagkalaloob n’yo maski sa isang bata lang, okey lang na i-claim n’yo na may mga pangarap kayong tinutupad.

Aware kaya ang advertising agency ng kumpanyang iyon na sa mga kabataang Filipino na nakakatuntong ng college, 10 porsiyento lang ang nakakatapos? Siyamnapung porsiyento ang tumitigil dahil sa wala nang maipantustos ang mga magulang nila para matapos sila ng college.

Kaya kung gusto ng kumpanyang iyon na makatulong sa pagtupad ng mga pangarag ng mga batang naghihikahos, scholarship ang ipamigay nila. Scholarship para sa technical and vocational courses. Huwag na yung sa Nursing o Accountancy, dahil pag bumagsak sila sa board exam, bumabagsak din ang self-esteem nila at ni hindi na nilang makuhang maghanap ng trabaho na pwede ang Nursing o Accountancy background nila. Kung trabaho sa abroad ang hanap, technical or vocational college courses ang tapusin. Di nalalaos sa abroad ang mga ganung kurso!

Aware ba kayo na halos sa lahat ng licensure exam dito sa Pilipinas, walang umaabot sa 50 porsyento ang nakakapasa taun-taon? At paano naman makakapasa ang karamihan sa college graduates natin eh ni hindi sila makaintindi ng Ingles? Pag bumagsak nga sila sa board exam, ni hindi sila matanggap sa call centers dahil ni hindi sila makapagsalita ng Ingles nang maayos. Ang alam nilang Ingles ay nasa kalibre ng “Gud apternun, madlang pipol!”

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply